PNP Chief

PNP chief nag-utos ng mas matinding anti-crime drive

Alfred Dalizon Feb 28, 2025
16 Views

IPINAG-UTOS noong Huwebes ni Philippine National Police chief General Rommel Francisco D. Marbil ang mas maigting na kampanya laban sa mga organized crime groups sa buong bansa.

Inatasan ng hepe ng pulisya ang lahat ng police units na lalo pang palakasin ang crime prevention at resolution efforts lalo na at walang ng 80 araw halalan na.

“Kailangan nating kumilos ngayon. Malinaw ang ating layunin—ibaba ang crime rate, buwagin ang mga sindikato at tiyakin ang kaligtasan ng ating mga komunidad,” ani Gen. Marbil.

“Dapat personal na lumabas sa field ang mga regional directors at pangunahan ang kanilang mga tauhan at tiyakin na ang mga crime prevention strategies ganap na naipatutupad,” dagdag pa niya.

Iginiit ng Chief PNP ang marching orders ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na binibigyang-diin ang pangangailangan ng matatag na pagpapatupad ng batas upang mapanatili ang kaayusan sa bansa.

“Malaki ang tiwala ng Pangulo sa PNP upang makamit ang tunay na kapayapaan,” dagdag pa niya.

Inanunsyo ni General Marbil ang isang pansamantalang organizational structure upang mapalakas ang mga hakbang laban sa kriminalidad.

Sa ilalim nito, tatlong deputies ang mamumuno sa mga pangunahing larangan: Deputy Chief PNP for Administration (TDCA), Deputy Chief PNP for Operations (TDCO), at Deputy Chief PNP for Investigation (DCI).

Si Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., bilang Deputy Chief PNP for Administration, ang mangunguna sa crime prevention, paghahanda sa eleksyon, anti-criminality efforts at kampanya laban sa ilegal na droga.

Nasa ilalim niya ang Directorate for Intelligence (DI), Directorate for Operations (DO) at Directorate for Police-Community Affairs and Development (DPCAD).

Si Police Lieutenant General T. Robert Rodriguez, bilang Deputy Chief PNP for Operations (TDCO), ang mangangasiwa sa personnel management, disiplina, logistics at iba pang mahahalagang operasyon ng PNP.

Sa ilalim ng kanyang pangangasiwa, ang Directorate for Personnel and Records Management (DPRM), Directorate for Logistics (DL), Directorate for Comptrollership (DC), Directorate for Training, Education, and Doctrine Development (DTEDD) at Directorate for Information and Communications Technology Management (DICTM) ay magtutulungan upang mapalakas ang kakayahan ng PNP.

Si Police Lieutenant General Edgar Alan O. Okubo, bilang Chief Directorial Staff at kasabay nito ang paging Deputy Chief PNP for Investigation (DCI), ang tututok sa paglutas ng mga kaso, paghahanap ng mga high-value fugitives, at pagpapahusay ng crime solution efficiency.

Pamumunuan niya ang Directorate for Investigation and Detection Management (DIDM), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Drug Enforcement Group (DEG), Forensic Group (FG), Anti-Kidnapping Group (AKG), Women and Children’s Protection Group (WCPG) at Anti-Cybercrime Group (ACG) upang matiyak ang mabilis na paglutas ng mga kaso at pagbuwag ng mga sindikato.

Inutusan din niya si Lt. Gen. Okubo na bigyang-prayoridad ang crime solution efforts upang mapanagot ang mga lumalabag sa batas at matiyak ang agarang pag-usad ng hustisya.

Kasama sa mga direktiba ng Chief PNP ang muling pagsusuri sa barangay blotters, pag-iinspeksyon sa mga himpilan ng pulisya at pag-account sa lahat ng wanted persons sa bawat hurisdiksyon.

Inatasan din niya ang mas pinaigting na kampanya laban sa loose firearms sa pamamagitan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) at mga Regional Directors upang tiyakin ang mahigpit na pagsunod sa mga regulasyon sa baril.

Nagbabala si Gen. Marbil laban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na nauugnay sa iba’t-ibang kriminalidad.

Sa pagtatapos ng kanilang command conference, nagbigay ng utos ang Chief PNP na sa susunod na buwan dapat may makitang malaking pagbabago.

Mas determinado ngayon ang buong pwersa ng PNP na tiyakin na ang crime prevention, crime solution at public safety patuloy na magiging pangunahing prayoridad, alinsunod sa adhikain ng Pangulo para sa mas ligtas at mas maayos na Pilipinas, ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf Tuaño.