LPG

PNP-CIDG nasakote P15M halaga ng LPG tank, equipment nitong Agosto

93 Views

SA pag-init ng pagbabantay laban sa ilegal na aktibidad sa liquefied petroleum gas (LPG) industry, nagsagawa ng mga pagsalakay ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) sa Bataan at Rizal, kung saan umabot sa milyun-milyong piso ang halaga ng kanilang nasakoteng ilegal na LPG cylinder nitong nakaraang buwan.

Sa isang entrapment operation noong Agosto 9 sa Antipolo, Rizal, nakumpiska ng mga operatiba ng CIDG sa pangunguna ni PNP Captain Ringo Medalla ang 50 LPG cylinder na ilegal na tinatakan bilang Petron Gasul, Fiesta Gas at Solane.

Nasakote rin ang mga LPG refilling equipment na kinabibilangan ng mga compressor, filling hoses, weighing scale at mga sasakyan, na umaabot sa halagang P14 milyon.

Naaresto sa naturang operasyon ang walong suspek na ngayon ay nakakulong na sa CIDG custodial facility sa Rizal.

Kaugnay nito, sa isang hiwalay na entrapment operation noong Agosto 2 sa Abucay, Bataan, 500 cylinders naman na may tatak ding brand tulad ng Petron Gasul, Fiesta Gas at Solane at mga LPG equipment na tinatayang aabot sa halagang P800,000 ang nakumpiska ng CIDG team sa pangunguna ni PNP-CIDG Bataan Provincial Chief Jhon Carlo Mindanao.

Nasamsam rin sa operasyon ang isang LPG tanker at Mitsubishi van.

Naaresto naman dito ang walong katao na huli sa aktong nagre-refill ng Petron at Solane LPG tanks nang walang kaukulang awtorisasyon mula sa brand owner at permit mula sa Department of Energy (DOE).

Ang mga naaresto ay dinala sa tanggapan ng CIDG pati na ang mga nakumpiskang ebidensya para sa karampatang disposisyon.

“Ang mga entrapment operation na ito ay nagpapakita ng aming matibay na commitment para istriktong ipatupad ang LPG Law at tiyakin ang kaligtasan at kalidad ng mga produkto gayundin ay upang matiyak na mananaig ang ethical business practices sa buong LPG sector. Kasama ang DOE, patuloy naming hahabulin ang mga nagsasagawa ng ilegal na operasyon na lumalabag sa batas at nagdudulot ng seryosong panganib sa buhay at kabuhayan,” ani PNP-CIDG Director PMajor Gen. Leo Francisco.

Samantala, sinabi naman ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na, “Sa paglaban natin sa ilegal na gawain sa LPG trade, mahalagang may kolaborasyon at pagtutulungan ang mga ahensya ng gobyerno. Pinapalakpakan natin ang pagsisikap ng PNP kasabay ng aming pangakong lalo pang pahihigpitin ang pagbabantay kasama nila.

Nauna rito, lumagda ang PNP at DOE sa isang memorandum of agreement na istrikong ipatutupad ang implementasyon ng Liquefied Petroleum Industry Regulation Act (LIRA) para sa kaligtasan ng mga konsyumer.

Sa pamamagitan ng Oplan LIRA, ang DOE at PNP ay inaatasang magkatuwang na mag-inspeksyon sa lahat ng LPG facilities pati sa mga retailers, refillers at maging ang mga sasakyan na ginagamit sa pagbibiyahe ng bultong LPG gayundin ng LPG cylinders at cartridges.

Ang PNP din ang may responsibilidad na imbestigahan ang anumang potensyal na kriminal na paglabag sa ilalim ng LIRA, kabilang ang pagsasagawa ng surveillance, entrapment, pagsusumite ng search warrant applications at paghabol sa mga lumalabag.

“Ang pangunahing layunin ng LPG Law ay protektahan ang mga konsyumer laban sa mga mapagsamantalang LPG trader. Ating hinihikayat ang lahat ng LPG industry participants na sumunod sa batas o mahaharap kayo sa mga seryosong kahihinatnan ng inyong paglabag,” dagdag pa ni Francisco.

Sa ilalim ng LPG Law, magpapatupad ng mas istriktong kaparusahan sa mga lalabag tulad ng underfilling, hoarding at paggamit ng substandard na cylinder gayundin ang pag-operate nang walang balidong lisensya.

Ang mga ilegal na refillers ay maaaring mapagmulta ng P25,000 hanggang P100,000 bawat cylinder at maaari ring makulong mula anim hanggang 12 taon.