Ong Cassandra Ong

PNP gagawin lahat para harapin ni Cassandra Ong mga kaso

368 Views

PINALAKAS ng Philippine National Police (PNP) ang koordinasyon nito sa international law enforcement authorities upang matunton at maaresto si Cassandra Ong, isang pangunahing personalidad na konektado sa kontrobersyal na Philippine offshore gaming operator (POGO) hub na Lucky South 99.

“Gagawin ng PNP ang lahat upang mapabalik siya dito at maharap niya ang mga kaso laban sa kanya,” sinabi ni acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa isang statement nitong Linggo.

Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), tumakas si Ong palabas ng bansa noong unang bahagi ng taon at huling na-monitor sa Japan matapos siyang palayain mula sa pagkakakulong.

Nahaharap si Ong sa aktibong arrest warrant na inilabas ng Pampanga Regional Trial Court noong Mayo para sa kasong qualified human trafficking, kaugnay ng umano’y ilegal na operasyon ng Lucky South 99 na nakabase sa Porac, Pampanga.

Sinabi ni Nartatez na makikipagtulungan sila sa International Criminal Police Organization (Interpol) kasunod ng pag-isyu ng Red Notice laban kay Ong.

“The PNP is committed to delivering justice to the victims of illegal POGO hubs,” aniya. “Those involved in these illegal operations must face the consequences of their actions.”

Ang hakbang ng PNP ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang mga aksyon laban sa ilegal na POGO operations at tiyakin ang ganap na pananagutan ng mga sangkot sa human trafficking. Philippine News Agency