Marbil1

PNP iniimbestigahan parak sa road rage video

Alfred Dalizon May 16, 2025
10 Views

KASUNOD ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panatilihin ang disiplina at propesyonalismo sa lahat ng ahensya ng gobyerno, iniutos ng Philippine National Police ang ugat ng road rage sa Manila na kinasasangkutan ng isang pulis noong Lunes.

Naganap ang insidente sa F. Manalo St., Brgy. 897, Punta, Sta. Ana, Maynila bandang alas-2:30 ng hapon at iniimbestigahan na ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group.

Ayon kay PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil, dapat pahalagahan ang pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa hanay ng kapulisan.

“Seryoso natin itong tinutukan. Totoong may mga panganib na hinaharap ang ating mga pulis sa pagtupad ng kanilang tungkulin, pero hindi ito rason para gumawa ng bagay na makakasira sa tiwala ng taumbayan,” pahayag ni PGen Marbil.

Batay sa paunang impormasyon, nakatalaga ang pulis sa video sa isang polling center sa Maynila bilang bahagi ng covert security operations para sa halalan.

Sa kasagsagan ng trapiko, nagkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa paglabas ng baril ng pulis.

Rumesponde ang mga nakatalagang pulis sa Police Assistance Desk ng nasabing polling center at dinala ang mga involve sa gulo sa barangay para pag-aregluhin.

Pansamantalang inilipat ang pulis sa District Personnel Holding and Accounting Section (DPHAS) ng Manila Police District.

Isinuko na rin niya ang kanyang mga PNP-issued firearm habang hinihintay ang resulta ng administrative proceedings.

Sinampahan na ang pulis ng kasong grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.

Pinaalalahanan ni Gen. Marbil ang lahat ng motorista na maging mahinahon, disiplinado at magpakita ng respeto sa kalsada, lalo na kapag may tensyon sa trapiko.

Inatasan niya ang lahat ng pulis na gampanan ang kanilang tungkulin ng may mataas na antas ng propesyonalismo at manatiling kalmado at mahinahon sa lahat ng oras.

“Karapatan ng bawat Pilipino ang magkaroon ng isang pulisya na propesyonal, disiplinado at tunay na tagapagtanggol ng kanilang karapatan sa lahat ng oras,” ani Gen. Marbil.