PNP

PNP: Mag-ingat sa text o call scam, Nartatez di nanghihingi ng pera

Alfred Dalizon Oct 13, 2025
407 Views

NAGBABALA ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga indibidwal o grupo na ginagamit ang pangalan ni acting PNP chief Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. para makapanloko ng mga tao.

Ayon kay PNP spokesperson Brigadier Gen. Randulf Tuaño, ipinapaalala nila sa publiko na ang acting chief PNP ay hindi nagbibigay ng pahintulot sa sinuman na gamitin ang kanyang pangalan o posisyon para sa pansariling interes o layunin.

“Ang ganitong uri ng maling representasyon ay isang seryosong paglabag at maaaring humantong sa kaukulang kasong criminal,” ayon sa opisyal.

Hinikayat din ni Brig. Gen. Tuaño ang publiko na maging mapanuri, at agad na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang insidente ng maling paggamit ng pangalan o pagkakakilanlan ng mga opisyal ng PNP.

Ayon sa mga ulat, may mga ilang taong nagpapakilalang ‘General Nartatez’ ang tumatawag o nagte-text sa mga opisyal ng pulisya at nagsasabing kailangan nilang magpadala ng pera sa kanyang account.

Nagsisimula ang demand sa P50,000 at tumataas pa. “Maging mapagmatyag tayong lahat at huwag magpaloko,” sinabi ni Brig. Gen. Tuaño.

Sa isang insidente, tinanong ng ilang matataas na opisyal ng PNP ang ilan nilang kasama kung sila ba ay nakatanggap ng text messages na nanghihingi ng pera mula umano kay Lt. Gen. Nartatez.

“Hindi galing ang text messages ke CPNP. Katabi niya mismo ang Director of Intelligence at Director of Investigation and Detective Management nang makatanggap ng naturang text message ang dalawa. Scam yun at napatunayan nila agad,” ayon sa PNP spokesperson.

Ang modus operandi ng mga suspek ay magte-text sila sa kanilang target at magpapanggap na si Lt. Gen. Nartatez o ang kanyang aide o security at sasabihin ang diumano’y hiling ng pinuno ng kapulisan.

Kapag hindi nag-verify ang nakatanggap ng pekeng text message, maaaring makapagbigay talaga sila ng pera sa scammers.

Ang PNP Anti-Cybercrime Group ay nakahuli na din ng ilang suspek na involved sa naturang modus operandi nitong mga nakalipas na buwan.