Roque Ex-spokesman Harry Roque

PNP nagbabala sa mga nagtatago kay Roque

Alfred Dalizon Sep 21, 2024
141 Views

BINALAAN ng Philippine National Police (PNP) ang mga taong nagkakanlong kay Atty. Harry Roque, ang dating tagapagsalita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na sila ay kakasuhan ng obstruction of justice oras na makilala.

Naglabas ng babala si PNP spokesperson Colonel Jean S. Fajardo kasabay ng pahayag na mayroon na silang impormasyon tungkol sa posibleng kinaroroonan ni Roque, ngunit tumanggi siyang magbigay ng detalye.

“We are providing all the information we are getting to the Sergeant-at-Arms of the House of Representatives,” pahayag ni Fajardo, na muling nanawagan kay Roque, bilang kapwa abogado, na igalang ang proseso ng batas.

Ayon pa sa PNP, pinuntahan na ng mga pulis ang huling kilalang mga address at iba pang lugar na madalas puntahan ni Roque ngunit bigo silang makita ito.

“Hindi po siya natagpuan sa mga addresses niya but our tracker teams are continuing their effort to locate him in coordination with the Sergeant-at-Arms of the House of Representatives,” dagdag ni Fajardo.

Nanawagan din si Fajardo kay Roque na “igalang ang proseso” dahil walang sinuman ang higit sa batas. Ginawa niya ang apela habang patuloy ang mga post ni Roque sa Facebook at iba pang mensahe habang siya’y nagtatago.

Wala rin umanong indikasyon na nakalabas na ng bansa si Roque, ayon kay Fajardo.

Noong nakaraang linggo, ipinakilos ang mga special tracker teams na pinamumunuan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang hanapin si Roque, matapos ipag-utos ng Kamara de Representantes ang kanyang pagkulong dahil sa contempt.

Tiniyak ni PNP Chief General Rommel Francisco D. Marbil na ang mga operasyon ay isasagawa nang may pinakamataas na antas ng propesyonalismo at paggalang sa tamang proseso.

“We have officially received the request from the House of Representatives, and the PNP is fully committed to executing this order while adhering to our core mandate. Our fundamental duty is to respect the decisions of our democratic institutions and ensure human rights are protected throughout this process,” ani Marbil.