PNP

PNP naglabas ng primer para sa mga namatay/nasugatang parak

Alfred Dalizon Mar 9, 2025
13 Views

IPINAMIGAY noong Biyernes ng Philippine National Police (PNP) ang Primer on Pay and Regular Allowances, Benefits and Privileges of PNP Personnel and their Dependents at ang Killed in Police Operation (KIPO)/Wounded in Police Operation (WIPO) Benefits Information Poster.

Dumalo si PNP Chief Police General Rommel Francisco D. Marbil sa aktibidad kasama sina PNP Deputy Chief for Administration Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. at PNP Deputy Chief for Operations Lieutenant General Robert T. Rodriguez sa paglulunsad ng PNP primer sa star lounge sa Camp Crame.

Dinaluhan din ng mga opisyal ng Directorate for Personnel and Records Management at ang kanilang Morale and Welfare Division sa pangunguna ni Major Gen. Constancio T. Chinayog Jr.

Upang matiyak ang madaling pag-access sa impormasyon, 2,676 kopya ng primer ang unang ipinamahagi sa mga opisina at unit ng PNP noong Nobyembre 2024 bilang gabay sa mga benepisyo at kompensasyon ng mga personnel.

Samantala, ang KIPO/WIPO Benefits Information Poster bunga ng paglulunsad noong Disyembre 2024 ng advocacy film na “Benepisyo” na naglalayong ipaalam ang tulong pinansyal at legal na maaaring matanggap ng mga pamilya ng nasawi o nasugatang mga pulis sa operasyon.

Umabot sa 5,400 posters ang unang ipinamigay sa iba’t- ibang unit, opisina at training schools ng PNP sa buong bansa. Sinundan ito ng karagdagang 1,600 kopya matapos ang pagpapalabas ng naturang advocacy film.

Sa kanyang welcome remarks, binigyang-diin ni Maj. Gen. Chinayog ang kahalagahan ng nasabing proyekto.

“Sa pagbibigay ng kaalamang ito, hindi lang natin sila binibigyan ng impormasyon—binibigyan natin sila ng lakas ng loob at kasiguruhan na pinahahalagahan at sinusuportahan ang kanilang sakripisyo.

Kapag alam ng ating mga pulis na may seguridad ang kanilang pamilya, mas matututukan nila ang kanilang tungkulin sa pagseserbisyo sa bayan,” sinabi ng opisyal.

Pinagtibay ni Gen. Marbil ang dedikasyon ng organisasyon na tiyaking alam at natatanggap ng bawat personnel ang nararapat na benepisyo para sa kanila.

“Sa pagpapatibay ng mga mekanismong ito, mas mapapalakas natin ang ating hanay bilang isang motivated na pwersa para sa bayan,” sinabi ng PNP chief.

“Ang primer na ito magsisilbing mahalagang gabay para sa ating mga personnel upang lubos nilang maunawaan ang kanilang mga benepisyo.

Marami sa ating mga pulis ang naglingkod ng matagal at maging ang mga nagretiro nang hindi alam ang lahat ng kanilang natatanggap na pribilehiyo.

Ganun din ang kanilang pamilya. May mga pagkakataon kung saan ang ating mga pulis nahaharap sa legal challenges o nasusugatan sa operasyon nang hindi nila alam na may suporta para sa kanila.

Sa pamamagitan ng pagbibigay-linaw sa impormasyong ito, sinisiguro natin na ang bawat pulis at kanilang pamilya ay makatatanggap ng nararapat na tulong at proteksyon,” ayon sa hepe ng pambansang pulisya.