Calendar
PNP nakahanda na sa posibleng epekto ng Tropical Storm Nando
TINIYAK ng Philippine National Police, sa ilalim ng pamumuno ni Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., na nakahanda na sila sa posibleng epektong idulot ng pagtama ng Tropical Storm ‘Nando’, partikular na sa bahagi ng Hilagang Luzon.
Inatasan na ng Hepe ng Pambansang Pulisya ang lahat ng concerned police regional offices na tiyaking may sapat na bilang ng mga pulis na naka-deploy maging ang mga asset na kakailanganin.
Sa ngayon, isinasapinal na ng concerned police units ang plano sa sandaling tumama si ‘Nando’ sa kanilang lugar.
“Nakahanda ang buong pwersa ng kapulisan para sa posibleng maging epekto ng Bagyong Nando. Nagbigay ng abiso ang PAGASA na maaaring maging supertyphoon si Nando kaya naman ipinag-utos na natin sa ating kapulisan na maging handa at alerto, at siguraduhin ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” ani Lt. Gen. Nartatez.
Ang hakbang ng PNP ay pinalabas alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan ng ating mga kababayan.
Inatasan na rin ni Lt. Gen. Nartatez ang mga police commanders na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at local disaster response councils para sa magkakaisang kilos at strategic efforts sa pagtitiyak ng kaligtasan ng publiko.
Kabilang dito ang presenya ng mga pulis sakaling magkaroon ng mandatory evacuation sa mga residenteng nakatira sa coastal communities, at mga bahain at landslide-prone areas.
“I have already directed all police commanders in the affected areas to prepare for worst case scenarios, including the mobilization of our personnel and mobility and communication assets in coordination with concerned local government units,” ayon sa PNP chief.
“If the response would require mandatory evacuation, so be it. Our main concern is to ensure the safety of our kababayan,” dagdag pa niya.
Naka-standby na rin ayon sa opisyal ang pwersa ng pulisya sa mga katabing lugar na inaasahang tatamaan ng bagyo sakaling kailanganin ng dagdag na deployment.
Una nang nagbabala ang PAGASA sa publiko sa posibleng epekto ni Nando na maaaring umabot sa super typhoon category sa Lunes.
Posible ring itaas ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 4 at 5 sa Batanes at Babuyan Islands.
Nagpaalala naman si Lt. Gen. Nartatez sa publiko na sumunod sa mga utos at paalala ng mga lokal na pamahalaan para matiyak ang kaligtasan sa gitna ng masamang lagay ng panahon.

