Calendar

PNP pinatindi kampanya vs illegal POGOs
MAG pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa illegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipatupad ang total ban sa naturang industriya.
Matapos ipasara ang lahat ng POGOs noong Disyembre 31, 2024, patuloy na nagbabantay ang PNP laban sa mga krimen na may kaugnayan dito, kabilang ang illegal detention, financial fraud, at human trafficking, ayon kay PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil.
Sa mga imbestigasyong isinagawa, lumitaw na ang ilang insidente ng krimen, kabilang ang mga kaso ng kidnapping, may kaugnayan sa mga alitan sa underground gambling at cyber fraud—mga ilegal na aktibidad na dating nauugnay sa POGO operations, ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf Tuaño.
Mula Enero 2024 hanggang Pebrero 2025, naitala ng PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang kabuuang 40 kaso ng kidnapping at 10 sa mga biktima ang Chinese nationals na dinukot ng kapwa Chinese.
Ipinapakita ng mga kasong ito ang patuloy na hamon ng pagsugpo sa mga sindikatong kriminal na patuloy na kumikilos kahit naipasara na ang POGOs.
Samantala, iniimbestigahan din ng PNP ang pagkawala ng isang Chinese national na huling nakita noong Pebrero 20, 2025 sa Taguig City.
Habang sinusundan ang iba’t-ibang posibleng lead, tiniyak ng PNP na maingat na sinusuri ang lahat ng anggulo upang matukoy ang katotohanan at mapanagot ang dapat managot.
Nanawagan si Gen. Marbil sa publiko na huwag agad maniwala at magpakalat ng hindi pa kumpirmadong impormasyon na maaaring magdulot ng pangamba.
“Hindi titigil ang PNP sa pagsupil sa kriminalidad at sa pagpapatumba ng mga sindikatong lumalabag sa batas,” dagdag pa niya.
Hinihikayat ng PNP ang sinumang may mahalagang impormasyon na lumapit at makipagtulungan sa imbestigasyon, ayon kay Col. Tuaño.