Calendar

PNP pinuri ni Speaker Romualdez sa pagbaba ng krimen, mabilis na pag-aresto sa Antipolo road rage suspect
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Philippine National Police (PNP) sa mas matatag at epektibong pagpapatupad ng batas sa ilalim ng administrasyong Marcos, na nagresulta sa pagbaba ng bilang ng focus crimes at ang mabilis na pag-aresto sa suspek sa Antipolo road rage shooting.
Binigyang pagkilala ni Speaker Romualdez si PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga repormang nagpabuti sa pagpigil ng krimen at mabilis na pagtugon ng pulisya, na aniya’y nagpapanumbalik ng tiwala ng publiko at patunay na umiiral ang batas.
“I commend the PNP, under the leadership of Gen. Marbil, for demonstrating stronger, smarter policing—from the sharp drop in focus crimes nationwide to the swift arrest of the Antipolo road rage suspect,” ani Speaker Romualdez, ang pinuno ng 306 kinatawan sa Kamara.
“These results reflect discipline, innovation, and a renewed commitment to public safety. The Antipolo incident, in particular, shows how far the PNP has come in terms of speed and responsiveness,” ayon pa kay Speaker Romualdez, isang abogado mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP).
Tinutukoy ni Speaker Romualdez ang insidente noong Marso 30 sa Marcos Highway, Boso-Boso, Antipolo City, kung saan ang isang mainitang pagtatalo sa kalsada ay nauwi sa pamamaril na ikinasugat ng apat na indibidwal, kabilang ang kasintahan ng suspek.
Nagpasalamat din ang kongresista sa mga pulis sa mabilis na pag-aresto sa itinuturong gunman, ang 28-taong-gulang na negosyanteng si Kenneth Alajar Bautista.
“Salamat sa inyong hindi matatawarang serbisyo at pagtupad ng buong katapatan at katapangan sa inyong tungkulin,” ani Speaker Romualdez, patungkol sa mga pulis na ginawaran ng Medalya ng Kagalingan ng PNP sa pangunguna ni Gen. Marbil bilang pagkilala sa kanilang mahusay na pagpapatupad ng batas.
Kabilang sa mga ginawaran ng parangal sina Police Lieutenant Orlando Santos Jalmasco, Police Chief Master Sergeant Ranel Delos Santos Cruz, Police Corporal Kaveen John Rubia Vea, Police Corporal Joeban Acosta Abendaño, Police Corporal Niño Cipriano Chavez, Patrolman Reylan Rivarez De Chavez, Patrolman Michael Keith Lalican Panganiban at Patrolman John Mark Bacli Manahan.
Binigyang-diin ng Speaker na ang mabilis na aksyon sa mga high-profile na insidente tulad nito ay nagpapadala ng malinaw na mensahe na walang puwang ang krimen at impunity sa ating lipunan.
“When criminals are caught within minutes—not days—it sends a powerful message: there are no safe havens for lawbreakers in this country,” ayon pa sa kongresista.
Ayon sa datos ng PNP, bumaba ng 26.76 porsiyento ang focus crimes—mula 4,817 kaso noong Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2024, patungo sa 3,528 kaso sa kaparehong panahon ngayong taon.
Kabilang sa mga focus crimes ang theft, robbery, rape, murder, homicide, physical injury at carnapping ng motorsiklo at sasakyan. Sa mga ito, panggagahasa ang may pinakamalaking pagbaba, na bumagsak ng mahigit 50 porsiyento.
Samantala, ang taunang datos ay nagpapakita rin ng 7.31 porsiyento na pagbaba sa focus crimes, mula 41,717 kaso noong 2023 patungong 38,667 kaso noong 2024.
Nauna nang pinuri ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, na minsang naging hepe ng PNP, ang kapulisan sa malaking pagbaba ng krimen. Aniya, patunay ito sa epektibong police visibility, crime prevention initiatives at community-based policing.
Sinegundahan ni Speaker Romualdez ang pahayag ni Lacson at binigyang-diin na “dedication, discipline, and smarter law enforcement” ang dahilan ng mahusay na performance ng PNP.
Idiniin din ng pinuno ng Kamara na mahalagang mapanatili ang progresong ito, kaya dapat tiyakin ng gobyerno na may sapat na kagamitan, pagsasanay at suporta ang mga pulis upang mapanatili ang kaligtasan ng komunidad.
“We cannot afford to lose this momentum. Let this be a wake-up call to would-be offenders and a reassurance to every law-abiding Filipino—peace and order is non-negotiable, and the government under the leadership of President Ferdinand R. Marcos Jr. will act swiftly and decisively,” ani Speaker Romualdez.
Muling tiniyak ng Speaker ang buong suporta ng House of Representatives sa lahat ng hakbang na magpapalakas sa kakayahan ng PNP.
“We will continue supporting legislation and programs that empower our police force. Every Filipino deserves to live without fear—and that begins with a police institution that delivers on its duty,” aniya.