Gunban Source: PNP

PNP siniguro pagpapatupad ng mahigpit na gun ban sa buiong bansa

Alfred Dalizon May 15, 2025
18 Views

BILANG tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang malinis, ligtas, at kapani-paniwalang halalan, mas pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng nationwide gun ban simula pa noong Enero 12 at magtatapos sa Hunyo 11.

Sinabi ni PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil na bunga ng pinaigting na kampanyang ito, nagtala ang PNP ng malaking pagtaas sa bilang ng mga nahuli at nakumpiskang mga armas kumpara sa ginanap na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections noong 2023.

Napakalaking tulong ang idinulot ng pagkakakumpiska ng mga illegal guns at iba pang mga sandata simula noong Enero dahil napigilan ng kapulisan ang pagkalat sa kalsada ng mga ‘instrument of violence’ na maaaring magamit sa panggulo sa eleksyon.

Sa loob ng apat buwan mula ng ipinatupad ang gun ban, umabot sa kabuuang 3,131 indibidwal ang naaresto sa iba’t-ibang bahagi ng bansa dahil sa paglabag sa gun ban, isang pagtaas na katumbas ng 71.37 porsyento mula sa 1,827 na naitala noong 2023.

Ipinapakita ng datos na ito ang determinadong pagpapatupad ng batas ng PNP at ang epektibong koordinasyon nito sa mga kaukulang ahensya sa kabuuan ng election period.

Sa nasabing bilang, 1,608 ang naaresto sa police response, 498 sa mga operasyon laban sa ilegal na droga, 240 sa mga checkpoint, 197 sa gun buy-bust operations, 587 sa iba pang law enforcement operations at 1 indibidwal ang nahuli sa internal security operation.

Naging mahalagang susi rin ang malawakang pagsasagawa ng 862,827 checkpoint operations sa buong bansa dahil nagsilbing mekanismo sa pagtukoy at pagpigil sa pagdadala ng mga nakamamatay na armas sa pampublikong lugar.

Tumaas din ng malaki ang bilang ng mga nakumpiskang armas. Mula sa 2,085 baril na nakumpiska noong 2023, umabot ito sa 3,217 para sa 49.97 percent na pagtaas.

Kabilang sa mga nasamsam ng kapulisan simula noong Enero 12 ang 925 pistols, 1,169 revolvers, 26 rifles at 25 shotguns.

Mayroon ding 744 firearms na kabilang sa miscellaneous na kategorya, 68 Class- A firearms, at 6 Class-B firearms.

Bukod dito, nakumpiska rin ang 36 airguns at airsoft guns, 122 replica firearms, 14 baril na hindi matukoy ang klasipikasyon, at 82 pampasabog.

Pinuri ni Gen. Marbil ang kasipagan at dedikasyon ngkanyang mga tauhan sa buong bansa sa mahigpit na pagpapatupad ng batas sa panahon ng halalan.

Binigyang-diin din niya na ang tagumpay na ito ay bunga ng pagtutulungan ng pulisya, ng mga katuwang na ahensya, at ng publiko na nakikiisa sa mga operasyon.

Sa kabila nito, hinihikayat ni Gen. Marbil ang publiko na manatiling mapagmatyag at makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan sa lahat ng panahon.

Aniya, ang tagumpay ng election security operations ay matibay na pundasyon sa pagpapalakas ng tiwala ng mamamayan sa PNP at sa ating demokratikong proseso.