Calendar

PNP siniguro tapat, maayos, mapayapang halalan sa Mayo 12
LALO pang pinalakas ng Pambansang Pulisya ang mga hakbang nito para sa seguridad ng buong bansa kasabay ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang tapat, maayos, at mapayapang halalan sa May 12.
Inilahad din ni Philippine National Police chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang kanilang huling operational timeline para sa election security at pinaalalahanan ang ibat-ibang yunit ng kapulisan sa buong bansa tungkol sa kanilang mahalagang papel sa pagpapanatili ng integridad ng eleksyon.
“Ang PNP ay nasa full alert status na simula pa noong Mayo 3, at ngayong linggo ay papasok na tayo sa pinaka-kritikal na yugto ng ating paghahanda,” sabi niya.
“Sa Mayo 8, magsisimula na ang full deployment ng ating mga tauhan sa mga polling precincts, mahahalagang pasilidad, at iba pang mga lugar na may kinalaman sa eleksyon,” ayon pa sa opisyal.
Dagdag pa niya, simula Mayo 9, magsasagawa ng mga inspeksyon ang mga Regional Directors sa kanilang mga yunit at paigtingin pa ang Kontra-Bigay, isang kampanya na naglalayong labanan ang pagbili at pagbenta ng boto at iba pang mga paglabag na kaugnay ng eleksyon.
Pinayuhan din ni Gen. Marbil ang mga kapulisan ukol sa mga mahalagang petsa: ang Mayo 10 ay ang katapusan ng campaign period, at sa Mayo 11 ay magsisimula ang liquor ban at mahigpit na pagbabawal ng anumang aktibidad na may kinalaman sa kampanya.
“Sa Mayo 12, sa araw ng eleksyon, kailangan tayong maging apolitical. Ipakita natin sa mga Pilipino na maaasahan nila ang PNP—nakikita, walang kinikilingan, at lubos na nakatuon sa pagtiyak ng isang mapayapang halalan,” sinabi ng Hepe ng Pambansang Pulisya.
Binigyang-diin pa niya na ang PNP ay malapit nang matapos ang pag-deploy ng mga logistics, transportasyon, komunikasyon, at iba pang mga mahahalagang kagamitan sa koordinasyon sa Commission on Elections at mga katuwang na ahensya.
“Habang papalapit na tayo sa huling bahagi ng ating paghahanda, hinihikayat ko ang bawat isa sa PNP na manatiling nakatutok at panatilihin ang pinakamataas na antas ng propesyonalismo at integridad. Huwag nating kalimutan na ang ating tungkulin ay paglingkuran ang ating mga kababayan at protektahan ang kanilang karapatang bumoto nang malaya at tapat,” pahayag ng PNP chief.