Marbil PNP Chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil

PNP: Unang araw ng local campaign para sa eleksyon ‘generally peaceful’

Alfred Dalizon Mar 29, 2025
28 Views

INIULAT ng Philippine National Police (PNP) na naging lubos na mapayapa o “generally peaceful” ang unang araw ng local campaign period na opisyal nang nagsimula noong Biyernes.

Ayon sa liderato ng Pambansang Pulisya noong Sabado, ang umpisa ng local campaign period para sa national at lokal na eleksyon sa Mayo ay nanatiling mapayapa at walang naitalang malalaking insidente sa buong bansa.

Sinabi ni PNP Chief General Rommel Francisco D. Marbil na sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy ang pagtutok ng gobyerno sa isang ligtas, maayos at kredibleng halalan.

Ayon sa kanya, ang PNP, sa pakikipagtulungan ng Commission on Elections (Comelec), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang ahensyang pangseguridad, ay nagpatupad ng mahigpit na mga hakbang upang mapanatili ang katahimikan at maiwasan ang anumang election-related incidents.

Opisyal nang sinimulan ng mga kandidato sa House of Representatives at mga posisyon sa probinsiya, lungsod at munisipalidad ang kanilang campaign activities nitong Biyernes.

Sinabi ni Marbil na patuloy ring nagpapatrolya at nagbabantay ang Comelec-supervised PNP checkpoints sa buong bansa, kasabay ng mahigpit na pagpapatupad ng nationwide gun ban upang maiwasan ang posibleng election-related violence.

Tiniyak ng opisyal ang buong suporta ng PNP sa seguridad ng buong campaign period hanggang sa pagtatapos nito sa Mayo 10, 2025.

“Handa ang PNP na pangalagaan ang demokratikong proseso at tiyakin ang isang mapayapang campaign period. Hindi natin papayagan ang anumang uri ng election-related violence o ilegal na aktibidad na maaaring makasira sa integridad ng halalan. Nakahanda ang ating mga security forces na tumugon sa anumang hindi inaasahang insidente,” ani Marbil.

Pinaalalahanan din ng liderato ng PNP ang lahat ng kandidato, political parties at publiko na ang vote-buying at vote-selling ay seryosong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 881 o ang Omnibus Election Code ng Pilipinas.

Ang sinumang mahuhuling lumalabag dito ay may kaukulang parusa sa ilalim ng batas, ayon kay PNP Public Information Office Chief, Colonel Randulf T. Tuaño.

Habang nagpapatuloy ang election season, nananawagan ang PNP sa publiko na manatiling mapagmatyag, i-report ang anumang election-related violations at makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang isang malinis, tapat at mapayapang eleksyon, dagdag pa ng opisyal.