Calendar

PNP: Walang naganap na pagnanakaw sa San Juan
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panatilihin ang kaayusan at labanan ang pagkalat ng maling impormasyon, idineklara kahapon ng Philippine National Police matapos ang isang imbestigasyon na ‘fake news’ ang viral social media post tungkol sa isang robbery incident sa Lugang Café sa Greenhills.
Ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf T. Tuaño, napatunayan sa imbestigation na pawang kasinungalingan at mapanlinlang and viral post.
Ayon sa opisyal, noong Mayo 23, nagsagawa ng pisikal na inspeksyon ang mga tauhan ng San Juan City Police Sub-Station 1, kasama ang mga opisyales ng Ortigas security force at Barangay Greenhills bilang tugon sa naturang ulat na kumalat online.
Mariing itinanggi ng pamunuan ng Lugang Café ang insidente at tinawag ang impormasyon bilang fake news at malisyosong ulat.
Pagsapit ng alas-9:00 ng gabi ng parehong araw, naglabas ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng Lugang Café sa kanilang Facebook page, na nagsasaad na walang katotohanan ang kumakalat na ulat at nananawagan sa publiko na huwag basta-basta magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon.
Kaugnay nito, magsasampa ng kaukulang kaso ang PNP laban sa mga responsable sa pagpapakalat ng maling ulat. Ang Joint Anti-Fake News Action Committee (JAFNAC) sa ilalim ni PNP Deputy Chief for Operations, Lieutenant General Robert T. Rodriguez ay kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy at panagutin ang pinagmulan ng maling impormasyon.
Kasabay nito, nagbigay ng mariing paalala si PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil laban sa mga nagpapakalat ng fake news sa bansa.
“Nananawagan kami sa lahat na maging responsable sa paggamit ng social media. Ang pagpapakalat ng hindi beripikado at maling impormasyon ay hindi lamang nagdudulot ng pangamba sa publiko, kundi nagpapahina rin sa tiwala ng mamamayan sa ating kapulisan at mga institusyong panlipunan,” ayon sa Hepe ng Pambansang Pulisya.
Ang PNP ay hindi magdadalawang-isip na magsampa ng kaso laban sa mga sadyang nagpapalaganap ng fake news, dagdag pa niya.
Naninindigan ang PNP sa tungkulin nitong pangalagaan ang kapayapaan at katotohanan at mariing ipinayo o sa publiko na magtiwala lamang sa mga beripikado at opisyal na pinagmumulan ng impormasyon, kabilang na ang mga opisyal na Facebook page ng Philippine National Police.