Calendar
PNP-WCPC nababahala sa pagtaas ng mga batang binubugaw ng magulang para abusuhin online
NAAALARMA ang hepe Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) sa tumataas na bilang ng mga bata na hinahayaan ng kanilang mga magulang na makipagtalik o sex online sa mga kliyente.
“Nanay ako pero nakakalungkot isipin na supposed to be, mothers are the first line of defense pero sila ang nagiging bugaw (pimps) ng mga batang anak nila,” sabi ni PNP-WCPC chief Brigadier General Sheila T. Portento.
Ayon sa kanya, naaalala niya ang matandang kasabihan na: “Ang mga magulang, magagawang magnakaw para me mapakain sa anak.”
“Pero sa kuwento ng OSAEC, mga nanay mismo ang nagbubugaw sa kanilang mga anak para maabuso ng ibang tao,” sabi niya.
Sa panahon ngayon, nabe-brainwashed ang mga anak ng nanay nila para gumawa ng sex acts.
“Ang sabi ng nanay, kung hindi gagawin ang show, walang gatas ang bata sa gabi, o wala silang hapunan. Kinokonsensiya talaga ang bata,” ayon sa heneral.
“There are certain abuses like me pagtatalik isang bata sa kapatid, sa tatay. Talagang karumal-dumal kaya ganun na na lang kami pursigido na mag-aresto at mag-rescue.
Hindi talaga kaya ng konsensiya namin na identified na ang targets, hindi pa mare-rescue.”
Sinabi niya na ang mga ina na namewersa sa anak na mag sex act lumalabag sa OSAEC Law o RA 11930 (Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.”
Ayon sa kanya, sila mismo ang nato-trauma tuwing nagre-rescue ng batang babae o lalaki na pwersahang pinagagawa ng sex acts ng magulang nila.
“It is really a very traumatic experience. In every operation nandun ako. Sa puntog dumating na kami at ihihiwalay na ang mga bata sa mga magulang, nandun ang mga iyakan, ang mga sigawan.
Hindi alam ng mga bata ang dahilan, ang alam nila ay hinuhuli din sila. Kaya as a matter of protocol, hindi kami nag-uuniform para walang stigma ang mga bata,” kwento niya.
Natutuwa sila Portento kapag may nare-rescue sila.
“Para na silang mga gagamba na kumakapit sa amin. It’s very fulfilling. Ang sabi nga, one rescued child is still one soul save. Meron kaming nasagip na bata,” sabi ni Brig. Gen. Portento.
Marami sa na-rescue nila matagal ng nagla-live show pero hindi makaligtas dahil sa pressure ng magulang.
“Ang layunin namin ay mabigyan ng psycho-social interventions mga victims, yung mga biktima ng previous sexual abuse maagapan dahil malaking dagok yun to live a normal life.
Dapat tuloy-tuloy ang intervention kasi sabi ng mga eksperto, it will manifest in a year-time, yung iba nga 10 years after kung kelan me mga asawa na sila,” sabi niya.
Hindi rin siya naniniwala na kahirapan ang nagtutulak sa mga pamilya na ibugaw ang mga anak nila.
Para sa kanya malaki ang papel ng internet sa ganitong kaso.
“I cannot say that poverty is the major issue here but it really plays a major role’ in OSAEC cases in the country.
One factor is the internet connectivity. “It’s cheap and they are everywhere,” sabi niya.
“Lastly, hindi maisasantabi ang poverty. Baka yun ang hanapbuhay ng ibang adults.
Me failure ba ang society dito? Batang-bata pa me mga anak na,”? sabi niya.

