NAGA

PNR bubuksan na biyaheng Naga-Lupi Viejo sa Nov. 5

Jun I Legaspi Oct 22, 2025
265 Views

MAS maraming pasahero na ang makasasakay sa tren ng Philippine National Railways (PNR), dahil sa nalalapit na pagbubukas ng byaheng Naga to Lupi Viejo, sa Camarines Sur, sa darating na Nobyembre 5.

Ang dagdag na byahe ng ahensya ay tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez na pabilisin ang pagsasaayos sa mga riles at istasyon ng PNR, upang maibalik na ang byahe ng tren mula Camarines Sur hanggang Quezon sa lalong madaling panahon.

Ayon kay PNR General Manager Deovanni S. Miranda, mas magiging komportable na at mabilis ang byahe ng mga komyuter sakay ng tren. Aabutin ito ng isang oras at 39 na minuto, mas mabilis kumpara sa ibang sasakyan na halos dalawang oras ang byahe.

“Tuloy-tuloy po ang ating pagsasaayos sa mga imprastraktura ng PNR, para rin po makapaghatid pa tayo ng mura, ligtas, at maayos na pampublikong transportasyon sa mas maraming komyuter,” sabi ni GM Miranda.

Magsasakay at magbababa ng pasahero ang PNR sa mga istasyon sa Lupi Viejo, Sipocot, Libmanan, Pamplona, Naga. Ganon din sa mga flag stops sa Lupi Nuevo/Tapi, Malaguico, Azucena, Awayan, Mantalisay, Camambugan, Rongos, Malansad, Mambulo, Borabod, at Sampaloc.

May tatlong byahe ang tren kada araw sa nasabing ruta; Naga to Lupi Viejo: 4:29 am, 9:49 am, at 3:14 pm at Lupi Viejo to Naga: 6:23 am, 11:43 am, at 5:08 pm.

Magsisimula sa 15 pesos hanggang 75 pesos ang regular na pamasahe sa Naga papuntang Lupi Viejo. Discounted naman ang mga estudyante, persons with disabilities (PWDs), at senior citizens, na may dalang lehitimong ID; magsisimula ang kanilang pamasahe sa 12 pesos hanggang 60 pesos.

Sa nalalapit na pagbabalik ng byahe, hinikayat ni GM Miranda ang kooperasyon at pakikipagtulungan ng publiko sa pagsunod sa ipinatutupad na mahigpit na seguridad ng PNR para sa ligtas na operasyon ng tren sa rehiyon.