Calendar
PNR hihinto biyahe para mapabilis NSCR project
UPANG mapabilis ang konstruksyon ng makabagong North-South Commuter Railway (NSCR), ihihinto ng Philippine National Railways (PNR) ang biyahe ng mga tren nito.
Ayon kay Department of Transportation Undersecretary for Railways Cesar B. Chavez ihihinto ang rutang Gov. Pascual, Malabon hanggang Calamba para mailatag ang NSCR tracks at maitayo ang mga poste. Aabutin umano ito ng walong buwan.
Susunod namang ihihinto ang rutang Alabang-Calamba.
Inaasahang sa darating na Mayo ang pinaka-maagang paghinto ng operasyon ng PNR sa rutang Gov. Pascual, Malabon-Calamba at rutang Alabang-Calamba.
Ang mga contract packages S-04, S-05, S-06, at S-07 ng NSCR extension na mula Tutuban hanggang Calamba ay linagdaan noong Oktubre 6, 2022. Ang mga ito ay sasakop sa mga istasyon ng PNR sa Alabang, Muntinlupa hanggang Calamba City, Laguna, kasama rin ang train depot sa Brgy. Banlic, Calamba City.
Nakatakda namang igawad ang kontrata para sa Manila-Alabang sa darating na Marso. Dahil dito, inaasahang ihihinto rin ang operasyon ng PNR sa rutang Tutuban-Alabang sa Oktubre ngayong taon.
Dahil sa paghinto ng mga biyahe, mas mapapabilis umano ang komplesyon ng NSCR project na makapagbibigay ng mas maayos na serbisyo sa mga pasahero.
Binanggit din ni Chavez na nakikipag-ugnayan na ang DOTr at PNR sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para mabigyan ng alternatibong transportasyon ang aabot sa 30,000 pasaherong apektado ng paghinto ng biyahe ng PNR.
“Magsasagawa ng pormal na anunsyo ang DOTr at PNR dalawang buwan bago ang opisyal na paghinto ng operasyon ng mga tren,” sabi ni Chavez.
Ang NSCR ay magkakaroon ng mga rutang Tutuban – Clark International Airport at Tutuban – Calamba na inaasahang matatapos sa 2026.