Calendar
Poe gusto ng mas mahigpit na batas para sa proteksyon ng mga hayop
NANGAKO si Senate Finance Committee Chairperson Senator Grace Poe na gagawin ang lahat ng posibleng hakbang para maisabatas ang panukalang batas ukol sa kapakanan ng mga hayop, sa gitna ng patuloy na paglaganap ng pang-aabuso sa mga hayop.
“Harrowing cases of animal cruelty pop up in the news and on social media, but too often, the abusers go unpunished. We need a more comprehensive and tougher law that will not only give perpetrators a slap on the wrist. Let’s make this happen in this Congress,” ani Poe.
Kamakailan, inihain ni Poe ang Senate Bill No. 2458 na naglalayong amyendahan ang 26-taong gulang na Animal Welfare Law.
Kasama rito ang mas mahigpit na pamantayan, mas mabibigat na parusa, at ang paglikha ng Barangay Animal Welfare Task Force.
Binigyang-diin ng senador na mahalaga ang mabilis na aksyon sa panukalang batas na ito, lalo na’t magtatapos ang 19th Congress sa Hunyo 30 ngayong taon.
Magtatapos rin ang dalawang termino ni Poe bilang senador, ngunit nangako siyang ipagpapatuloy ang kanyang adbokasiya para sa kapakanan ng mga hayop.
Aniya, hindi maaaring balewalain ang mga seryosong kaso ng pang-aabuso sa hayop.
Kamakailan, natuklasan ng mga may-ari ng isang nawawalang aso na patay at sinunog ang kanilang alaga sa isang probinsya sa Visayas.
Ayon sa mga ulat, pinatay at sinunog ng isang lalaki ang aso dahil umano sa pagkagat nito sa isang manok.
Samantala, isang video ang kumalat sa social media na nagpapakita ng isang tricycle driver na hinila ang isang pusa gamit ang tricycle.
Sa ilalim ng panukalang batas, mabibigyang kapangyarihan ang Barangay Animal Welfare Task Force na agarang tumugon sa mga isyu ukol sa kapakanan ng mga hayop.
Isang bahagi rin ng panukala ang pagbibigay deputasyon bilang animal welfare enforcement officers sa mga boluntaryong sumailalim sa kinakailangang pagsasanay.
Dagdag pa rito, magtatakda ang panukalang batas ng mga pamantayan para sa responsableng pag-aalaga ng mga alagang hayop, pati na rin sa pagpapalaganap ng etikal na pag-uugali at pananagutan ng mga may kontrol o nag-aalaga sa mga hayop.
“This bill is always worth fighting for as animal welfare reflects society’s capacity for compassion,” ani Poe.