Poe

Poe inihain franchise sa bagong telco operator

84 Views

NAGHAIN ng panukalang batas si Sen. Grace Poe na naglalayong pagkalooban ng prangkisa ang Starlink Internet Services Philippines Inc. upang makapagbigay ng internet services at maabot ng serbisyo ng internet ang mga liblib na barangay.

Base sa Senate Bill No. 2844, nagsasaad na ang prangkisa kinakailangan upang payagan ang kumpanya na magtayo, magpanatili at mag-operate ng satellite ground stations para sa pagbibigay ng broadband internet services.

“Starlink is seen to bridge the digital gap by providing satellite-based internet connectivity in areas not covered by traditional terrestrial networks and in remote areas where it is difficult to build telecommunications infrastructure,” sabi ni Poe.

Dagdag pa niya: “The use of satellite technology is particularly well-suited in an archipelago like the Philippines, where large portions of the population live in rural areas and isolated islands.”

Subsidiary ang Starlink ng Starlink Satellite Services Corp. at nag-ooperate ng pinakamalaking satellite constellation sa buong mundo.

Noong Hunyo 2024, mayroon na itong mahigit 6,200 aktibong satellites na kumakatawan sa kalahati ng lahat ng aktibong satellite sa orbit na nagbibigay-daan upang maghatid ng broadband internet na kayang suportahan ang streaming, online gaming at video calls.

Ang Starlink Philippines nabigyan na ng akreditasyon bilang Satellite Systems Provider at/o Operator ng Department of Information and Communications Technology at nakarehistro bilang Value-Added Service provider ng National Telecommunications Commission.

Habang pinapayagan na itong magbigay ng internet services sa bansa, ang prangkisang ipinapanukala nakikitang makapagpapahusay pa ng kanilang serbisyo sa pamamagitan ng pagtatayo at operasyon ng mga gateway earth stations.

Ayon sa Republic Act No. 3846 o ang Radio Control Act, ang mga gateway earth stations ikinokonsiderang “radio stations” na nangangailangan ng prangkisa mula sa Kongreso.

Sa ilalim ng panukalang batas, bibigyan ang Starlink ng kapangyarihang kumonekta o humiling na ikonekta ang kanilang mga sistema ng telekomunikasyon sa iba pang mga sistema na pag-aari at pinapatakbo ng iba pang lehitimong entidad sa Pilipinas.

Ang nasabing panukala nag-uutos na pagbutihin at palawakin ang kanilang mga serbisyo sa mga hindi pa napaglilingkurang lugar, geographically isolated and disadvantaged areas at sa mga lugar na madalas tamaan ng bagyo at sakuna, na itutukoy ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Dagdag pa ng senadora na dapat makasabay ang maraming Pilipino sa makabagong galaw ng mundo.

“Poor internet access limits the opportunities available to Filipinos, particularly for low-income households. The entry of a new player brings bright prospects in our telecommunications industry,” dagdag pa ni Sen. Poe.