Dizon

Poe nagpahayag ng kumpiyansa sa kakayahan ni Sec. Dizon

22 Views

IPINAHAYAG ng ilang senador ang kanilang suporta sa pagkakatalaga kay Vivencio “Vince” Dizon bilang bagong Kalihim ng Department of Transportation (DOTr), binibigyang-diin ang kanyang karanasan at ang pangangailangang agarang isulong ang mga reporma sa sektor ng transportasyon sa bansa.

Pinuri ni Senate Finance Committee Chairperson Senator Grace Poe si Dizon at kinilala ang bigat ng kanyang tungkulin. “We want to congratulate Secretary Vince Dizon on his appointment and thank him for taking on such enormous task at this critical time,” aniya.

Ipinahayag ni Poe ang kumpiyansa na ang kakayahan at karanasan ni Dizon ay makakatulong upang mapabilis ang mga kinakailangang reporma at proyekto sa ahensya.

“The new DOTr chief can count on our support in bringing relief to our commuting public and lasting solutions to our transportation sector,” dagdag pa niya.

Samantala, tinanggap din ni Senator Joel Villanueva ang pagkakatalaga kay Dizon, binibigyang-diin ang lawak ng kanyang karanasan sa gobyerno.

Ayon kay Villanueva, pinatunayan ni Dizon ang kanyang kakayahan sa pamamahala ng malalaking proyekto sa pamamagitan ng kanyang dating posisyon bilang Pangulo at CEO ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at bilang Presidential Adviser for COVID-19 response.

Idinagdag niya na ang pamumuno ni Dizon ay magiging mahalaga sa pagsugpo sa problema ng trapiko, pagpapabuti ng kaligtasan at kahusayan ng transportasyon, at pagpapaunlad ng imprastraktura—mga salik na may malaking papel sa paglago ng ekonomiya.

Ang pagkakatalaga kay Dizon ay kasunod ng pagbibitiw ni Jaime Bautista bilang Kalihim ng DOTr dahil sa mga kadahilanang pangkalusugan.

Nagpasalamat naman si Bautista sa pagkakataong makapaglingkod sa gobyerno at umaasa sa maayos na paglipat ng liderato bago siya magpahinga matapos ang mahigit dalawang taong paglilingkod sa publiko.

Bilang bagong pinuno ng DOTr, si Dizon ay nakatakdang mangasiwa ng malalaking proyektong pang-imprastruktura tulad ng Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway sa ilalim ng programang “Build Better More” ng administrasyon.

Umaasa ang mambabatas Ng mga epektibo niyang maisusulong na kinakailangang reporma at mapapahusay ang sistema ng transportasyon sa bansa.