Calendar
Poe sinusulong maagap na pagpaparehistro ng kapanganakan
NAGHAIN ng panukalang batas si Sen. Grace Poe na titiyak sa maagap na pagrerehistro sa kapanganakan ng bawat bulnerableng batang Pilipino.
Ang Senate Bill 332 ni Poe o ang “Children in Need of Special Protection (CNSP) Birth Registration Act” ay nagkakasa ng matibay na sistema para sa napapanahong pagrerehistro sa kapanganakan ng mga agrabyadong bata upang mapangalagaan ang kanilang mga karapatan.
“Ang pagrehistro ng kapanganakan ay unang hakbang para magkaroon ng ligal na pagkakakilanlan at makatanggap ng benepisyo mula sa pamahalaan ang bawat bata,” diin ni Poe.
Ang CNSP ay mga kabataang wala pa sa 18 taong gulang o 18 pataas na hindi kayang pangalagaan ang kanilang sarili dahil sa pisikal o mental na kapansanan; o mga bulnerable o biktima ng pang-aabuso, pagpapabaya, diskriminasyon, kalamidad, sakuna at iba pang kahalintulad na kondisyon.
Kabilang sa CNSP ang mga batang biktima ng pisikal o sekswal na pang-aabuso, mga naiipit sa gitna ng digmaan, mga biktima ng child labor, mga bata sa lansangan at mga pulot.
“Dehado ang mga batang hindi naipaparehistro sa pagkamit ng karampatang tulong at suporta gaya ng nutrisyon, edukasyon at proteksyon mula sa pamahalaan,” ani Poe.
Binibigyang otoridad ng panukala ang lisensiyadong social worker o tao/institusyong may aktuwal na kustodiya sa nasabing bata na iparehistro ang kanyang kapanganakan, ayon sa proseso.
Isasagawa ang pagrerehistro sa lokal na rehistro sibil kung saan isinilang ang bata, kung ito ay batid o tiyak; kung hindi, isasagawa ito sa lugar kung saan natagpuan ang bata.
Inaatasan rin ng panukala ang rehistrasyon ng bulnerableng bata sa loob ng 60 araw mula sa aktuwal na kustodiya nito, maliban kung nasa gitna ng kalamidad o digmaan kung saan isasagawa ang pagrerehistro 60 araw matapos ang deklarasyon ng pagtatapos ng nasabing sitwasyon.
Ang mga kinakailangang dokumento sa rehistrasyon ay: sertipikasyon mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na wala pang tala ng kapanganakan ang bata; case study ukol sa bata ng lisensiyadong social worker; at sertipikasyon mula sa pinakamalapit na rehiyonal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development na ang bata ay isang CNSP, kasama ang impormasyon ukol sa kanyang pangalan, kasarian, araw ng kapanganakan (kung alam), lugar ng kapanganakan, pangalan at pagkamamamayan (citizenship) ng kahit isang magulang.
Para sa mga detalyeng di alam ukol sa bata, ang salitang “unknown” ay maaaring ilagay sa certificate of live birth, ayon sa bill ni Poe. Ang pagtantiya sa araw ng kapanganakan ay maaaring sertipikahan ng doktor o dentista, alinsunod sa protokol.
Papatawan ang mga paglabag ng karampatang parusa kasama na ang multa na hanggang P30,000 o aksiyon ng pagdisiplina.
Nauna nang iniulat ng PSA na may limang milyong Pilipino sa bansa ang hindi pa rehistrado ang kapanganakan. Sa bilang na ito, 40 porsiyento ang menor de edad mula 0 hanggang 14.
“Ang pagtiyak sa karapatan ng mga bata na magkaroon ng ligal na pangalan ay pagbibigay sa kanila ng katarungan at pagkakataong mabuhay nang may patas na oportunidad. Hindi tayo dapat makalimot sa mahalagang obligasyong ito,” pahayag ni Poe.