Policewoman na kinuha ng thyroidism dinakila ng PNP

Alfred Dalizon Mar 30, 2025
21 Views

KINIKILALA ng Philippine National Police (PNP) ang lakas, tibay at dedikasyon ng mga kababaihang nasa serbisyo sa pagtatapos ng National Women’s Month.

Isa na rito si Police Corporal Mary Jean M. Pastor, miyembro ng Public Safety Basic Recruit Course 18-01 Alab-Kalasag Class na huwaran at mapagmahal sa pamilya.

Sinabi ni PNP chief General Rommel Francisco Marbil na hindi lang isang pulis si Cpl. Pastor kundi tagapagtanggol at tagapagtaguyod na namatay dahil sa hyperthyroidism noong Marso 25.

Sa kabila ng laban sa hyperthyroidism, nanatili si Cpl. Pastor na matatag sa serbisyo.

Kahit lumalala ang kanyang kalagayan, hindi niya hinayaang maging hadlang ito sa kanyang mga responsibilidad.

Patuloy siyang nagtrabaho, tiniyak na natatapos ang mga gawain at inaalala ang kanyang mga kasamahan kahit nasa ospital na.

Isang pambihirang pagpapakita ng dedikasyon—patunay na hanggang sa huling sandali, ang kanyang puso para sa serbisyo.

“Bilang haligi ng kanyang pamilya, nagsumikap siya upang matugunan ang kanilang pangangailangan,” ayon sa PNP chief.

Sinabi ni Gen. Marbil na ‘kitang-kita ang tapang ni Cpl. Pastor noong Hunyo 22, 2024, nang protektahan niya ang isang babaeng customer mula sa bumagsak na sliding glass door sa isang establisyemento.

“Hindi siya nagdalawang-isip na ilagay ang sarili sa panganib para sa kapakanan ng iba—isang tunay na halimbawa ng kabayanihan na nagpapakita ng kanyang likas na karakter,” sinabi ng PNP chief.

Ipinahayag ng PNP chief ang kanyang pinakamataas na respeto kay Cpl. Pastor.

Kahit sa kanyang pinakamahirap na sandali, hindi niya hinayaang maging pabigat sa iba, ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf T. Tuaño.

“Tahimik niyang hinarap ang kanyang laban, iniisip pa rin ang kapakanan ng kanyang mga kasamahan,” ayon sa opisyal.

“Hindi kailanman malilimutan ang kanyang legasiya ng serbisyo. Ang buong PNP nagbibigay-pugay sa kanyang alaala bilang isang bantay ng kapayapaan,” dagdag pa ni Col. Tuaño.