Sara

Politically motivated defense ni VP Sara palusot lang

190 Views

Ebidensya sa kuwestyunableng paggamit ng confi fund dumarami

KINASTIGO ng mga kongresista si Vice President Sara Duterte sa pahayag nito na politically motivated ang pagsilip ng House Committee on Good Government and Public Accountability kung papaano ginastos ang P612.5 milyong confidential fund nito.

Ayon sa mga kongresista kung walang maling ginawa ay hindi dapat matakot na humarap sa pagdinig si Duterte at ang mga opisyal nito na mayroong direktang alam kung papaano ginamit ang confidential fund.

“This is not about politics. This is about accountability and transparency,” ani Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability.

Mula huling quarter ng 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023 ay gumastos ang Office of the Vice President ay gumastos ang OVP ng P500 milyong confidential fund. Sa unang tatlong quarter ng 2023 ginastos naman ni Duterte ng P112.5 milyong confidential fund sa ilalim ng Department of Education (DepEd).

Sinabi naman ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, chairman ng Committee on Public Order and Safety, na ang sinabi ni Duterte na politically motivated ang pagdinig ay isa lamang convenient excuse para iwasan ang mga tanong na dapat sagutin.

“The easiest way to evade issues is to call them ‘politically motivated.’ In government, politics is part of the landscape. Accountability and transparency cannot be dismissed by simply invoking politics,” ani Fernandez.

Sinabi ni Fernandez na dapat sagutin ni Duterte ang mga tanong sa halip na maghanap ng palusot upang maisantabi ang mandato ng komite.

Ibinasura naman ni Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang sinabi ni Duterte na peke ang mga dokumento na sinusuri ng komite.

Ayon kay Khonghun ang mga dokumento na sinusuri ng komite ay galing sa COA at siyang ipinasa roon ng OVP.

“[COA] ang nagbigay sa committee, kaya hindi pwedeng sabihin ni VP Sara na peke ‘yun. Katulad ni Mary Grace Piatos. Sila ang naglagay ng pangalan doon, alam naman natin na hindi totoo ‘yun, gawa-gawa na lang nila ‘yun,” sabi ni Khonghun.

Ang Mary Grace Piatos na pinagsamang pangalan ng isang kainin at brand ng potato chips ay nakasulat sa isa sa acknowledgment receipt na ipinasa ng OVP sa COA upang patunayan ang paggastos nito ng confidential fund.

Iginiit naman ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng Committee on Dangerous Drugs na ang layunin ng imbestigasyon ay hindi hatulan kung sino ang guilty kundi ang mapanagot ang mga opisyal ng gobyerno na mali ang ginawang pagastos sa pondo ng bayan.

“We’re not here to pass judgment. But when public funds are involved, it is our duty to investigate and ensure accountability,” wika ni Barbers.

Sinabi naman ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na hindi na bago ang estilo ni Duterte na umiwas sa isyu.

“We already wanted to discuss confidential funds during the budget hearings, but they argued it was not the right venue. Now, with the proper committee overseeing the investigation, she still claims it’s politically motivated,” saad ni Gutierrez.

Iginiit nito na tanging si Duterte lamang ang bise presidente na nabigyan ng malaking confidential fund at gaya ng ibang opisyal ng gobyerno dapat ay mayroon itong pananagutan sa paggastos ng pondo.