Lacson

Pondo ng AMLC para sa 2026 naibalik salamat kay Lacson

183 Views

NAIBALIK ng Senate finance committee ang inirekomendang P333 milyon na pondo para sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) matapos ang interbensyon ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson.

Ipinabatid ng committee chair Sherwin Gatchalian kay Lacson sa deliberasyon ng badyet na tinanggap ng komite ang hiling ng AMLC “upon your recommendation,” mula sa P170.161 milyon na nakapaloob sa National Expenditure Program.

“We granted the request of AMLC upon your recommendation… So the new budget of AMLC is P333 million,” ani Gatchalian.

“Thank you, Mr. President,” tugon ni Lacson.

Noong Setyembre 15, sinabi ni Lacson sa pagdinig ng komite na barya lamang ang ibinigay sa AMLC kahit nagmungkahi ito ng P333.1 milyon sa Department of Budget and Management. Ipinunto niya na mas maliit pa ang dagdag na requirements ng AMLC “kaysa sa komisyon at SOP na hinihingi ng mga tiwaling opisyal sa Department of Public Works and Highways gayundin ng ilang lawmaker-proponents.”

Ikinatuwa rin ni Lacson na sinimulan na ng AMLC ang pag-freeze sa “web of accounts” na umano’y konektado sa mga personalidad na sangkot sa substandard at ghost flood control projects.

“I understand they have initiated the freezing of accounts… pero pinahihintulutan ng amended Anti-Money Laundering Act na mas sundan pa ang web of accounts para mas marami tayong marekober,” aniya. “Kasi kung na nalipat na sa mga kamag-anak, sa kapatid, sa kaibigan… pwede pang habulin, di po ba?”

Ayon kay Gatchalian, nasa P7 bilyon na ang na-freeze ng AMLC at patuloy nilang mino-monitor ang mga kaugnay na account. Umaasa ang AMLC na maaari silang makarekober nang tatlong ulit pa ng halagang ito.

Pabiro namang sinabi ni Lacson na kapag umabot sa tenfold ang marekober, “mag-amend pa tayong dalawa at magdagdag pa tayo.”