Pondo para sa fuel subsidy, libreng sakay sa ilalim ng 2023 budget ilalaban ng Kamara

178 Views

ILALABAN ng Kamara de Representantes na mapanatili sa 2023 national budget ang pondo para sa fuel subsidy, libreng sakay, at bicycle lane.

Ayon kay Speaker Martin G. Romualdez mahalaga ang mga programang ito ng Department of Transportation (DOTr) kaya nilagyan ng pondo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“This is one of the pro-people provisions of the proposed national budget. Kailangan ito ng mga mamamayan,” sabi ni Romualdez.

Nagpanukala ang Kamara ng P77 bilyong institutional amendments sa P5.268 trilyong budget para sa susunod na taon.

Kasama dito ang paglalagay ng P2.5 bilyon sa Pantawid Pasada Fuel Program, P2 bilyon sa Libreng Sakay at P1 bilyon sa pagtatayo ng mga bike lane.

“Itong Pantawid Pasada at Libreng Sakay, diretsong ginhawa ito sa ating mga kababayan. Ayuda ito sa mga drayber at operators sa panahon ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. At ang libreng sakay naman ay malaking tulong sa ating commuter na nahihirapang pagkasyahin ang kita sa isang araw,” dagdag pa ni Romualdez.

Sinabi ni Romualdez na ang mga programang ito ay bahagyang makatutugon sa epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Ayon naman kay House Committee on Appropriations chairperson at Ako Bicol Rep. Zaldy Co malaki ang maitutulong ng Libreng Sakay program sa mga mananakay ngayong bukas na ang ekonomiya ng bansa.

“House believes that the Libreng Sakay program will really help commuters. Pinondohan namin ‘yan dahil kailangan,” sabi ni Co.

Ang Libreng Sakay program ay unang ipinatupad noong 2020.

Ang pagtatayo naman umano ng mga bike lane ay makaka-enganyo sa mga komuter na magbisikleta na mabuti sa kalusugan.