Martin5

Pondo para sa mas matatag na pagdepensa sa WPS pasok sa 2024 budget

Mar Rodriguez Dec 18, 2023
166 Views

MAYROON umanong nakapaloob na pondo para sa mas matatag na depensa sa West Philippine Sea sa ilalim ng panukalang P5.768 trilyong budget para sa 2024, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ginawa ng lider ng Kamara ng pagtitiyak sa panayam ng media sa Tokyo, Japan kung saan sinamahan nito si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ika-50 ASEAN-Japan Friendship and Cooperation Commemorative Summit.

Tinuran din ni Speaker Romualdez na nagkasundo ang Kamara de Representantes at Senado na alisin ang confidential at intelligence funds (CIF) ng civilian agencies sa naturang budget.

“Both houses (of Congress) agreed upon it. In fact, the heads of the departments have agreed to it. They have voluntarily withdrawn it (request for confidential funds),” sabi niya.

“And the President is of that mind that as much as possible to minimize the CIFs of the civilian department or agencies and rather focus where, you know, where it’s best suited: dito sa mga security issues, yung defense, ‘yang sa Coast Guard, the West Philippine Sea,” saad pa nito.

Katunayan, nabigyan ng dagdag na pondo ang Coast Guard para sa susunod na taon, ayon kay Speaker Romualdez.

Ipinangako ni Pangulong Marcos na isusulong ang mas pinalakas na depensa sa West Philippine Sea lalo at patuloy ang ginagawang panggigipit ng China sa pinag-aagawang teritoryo na batay sa Arbitral ruling ay ang Pilipinas ang nagmamay-ari.

Ibinahagi rin ni Speaker Romualdez sa naturang panayam na nakatakdang makatanggap ng dagdag na limang patrol vessel ang Coast Guard mula Japan.

“That is good also to ensure that our coastlines are well attended to,” wika niya.

Nakatakdang lagdaan ng Pangulong Marcos ang panukalang 2024 national budget sa Miyerkules.

Sa pagbuo ng pambansang pondo, sinabi ni Speaker Romualdez na siniguro ng Kamara na nakasusunod ito sa ‘parameter’ o gabay na itinakda ng ehekutibo.

“Sumunod lang naman kami sa mga parameters and we’ve been working closely with OP (Office of the President) and all the departments,” aniya.