Pope Source: PNA/ANSA

Pope Leo XIV nakatakdang makipagpulong sa 100 PH pari sa Roma

32 Views

NAKATAKDANG makipagkita si Pope Leo XIV sa lahat ng mga pari sa Roma, kabilang ang humigit-kumulang 100 Pilipinong pari, sa susunod na linggo, ayon sa ulat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) News nitong Linggo.
Batay sa ulat ng CBCP News na kumukumpirma sa impormasyon mula sa Diocese of Rome, gaganapin ang pagpupulong sa Hunyo 12, 2025, ganap na alas-10 ng umaga sa Paul VI Hall sa Vatican, na may kapasidad na hanggang 6,300 katao.

Ito ang magiging kauna-unahang opisyal na pakikipagtagpo ni Pope Leo XIV sa mga pari ng kaniyang diyosesis mula nang mahalal bilang Santo Papa noong Mayo.

Samantala, ayon kay Rev. Gregory Ramon Gaston, rector ng Pontificio Collegio Filippino (PCF), kabilang sa mga inaasahang dadalo sa pagtitipon ang mga Pilipinong paring kasalukuyang nag-aaral sa Roma.

“Hindi ito eksklusibo para sa mga pari ng PCF, kundi para sa lahat ng paring nagseserbisyo sa Roma,” ani Gaston sa isang panayam sa Church-run Radio Veritas.

Tinatayang may 100 Pilipinong pari ang nakabase sa Roma, at halos kalahati sa kanila ay pansamantalang naninirahan sa PCF habang sumasailalim sa pormasyon at mas mataas na pag-aaral sa teolohiya, pilosopiya, batas ng simbahan, at iba pang larangang eklesyastiko.
PNA