Calendar
Posibleng labag sa Konstitusyon panukala ni Pulong — Nograles
MAARI umanong unconstitutional ang panukala ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na isailalim sa mandatory random drug testing ang mga elected at appointed na opisyal ng gobyerno.
Iginiit ni House Deputy Majority Leader at PBA Party-list Rep. Margarita “Atty. Migs” Nograles ang kahalagahan na matiyak na constitutional ang isang panukala at walang personal na motibo sa pagsusulong nito.
Ayon kay Nograles, isang abugado, dati ng idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang mandatory drug test para sa mga kandidatong tumatakbo sa halalan kaya maaari umanong makuwestyon din ang constitutionality ng panukala ni Duterte.
“There is a Supreme Court case already that deemed mandatory drug testing unconstitutional if it’s included as one of the qualifications for a candidate, as the Constitution itself determines those qualifications,” ani Nograles sa isang press conference sa Kamara de Representantes.
Sinabi ni Nograles na hindi rin dapat nakatuon lamang ang panukala sa isang indibidwal at kung ipatutupad ay para ito sa lahat.
Naalala rin ni Nograles ang ulat na 37 opisyal at empleyado ng Davao City hall, na ilang dekada ng pinamumunuan ng mga Duterte, ang nagpositibo sa ipinagbabawal na gamot.
“Sana this applies to all, hindi lang mag-single out,” wika pa ni Nograles.
Ganito rin ang ipinahayag ni Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Almario.
“To include a specific position might also infer that there might be, as much as I hate to say it, a personal agenda behind the bill,” sabi ni Almario.
Sinabi ni Almario na dapat masiguro na nakasusunod ang panukala sa mga probisyon ng Konstitusyon.
Para naman kay 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, bagamat mukhang maganda ang intensyon ng panukala, makabubuti na masuri ito ng mabuti.
“Madali lang po mag-file ng panukalang batas, madaling maglagay ng magandang explanatory note na click bait or catchy, pero it really comes down to the quality of the legislation,” punto ni Gutierrez.
Noong 2008, idineklara ng Korte Suprema na unconsitutional ang probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan nakasaad na ang lahat ng kandidato ay dapat magpa-drug test.
Ayon sa Korte Suprema, dinadagdagan ng batas ang requirement na nakasaad sa Konstitusyon.
Sa ilalim ng panukala ni Duterte, kada anim na buwan ay sasailalim sa hair follicle drug test ang mga opisyal ng gobyerno.