Martin

Poverty reduction programs ng Marcos admin patuloy na isusulong ng Kamara—Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Dec 22, 2023
136 Views

TINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na patuloy na susuportahan at popondohan ng Kamara de Representantes ang mga programa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng milyong-milyong mahihirap na Pilipino.

Ginawa ng lider ng Kamara ang pahayag bilang reaksyon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 22.4 porsyento ang poverty incident sa bansa sa unang semestre ng 2023 kumpara sa 23.7 porsyento na naitala sa unang anim na buwan ng 2021.

Ayon sa PSA nangangahulugan ito na nabawasan ng halos 900,000 ang mga mahihirap na Pilipino.

“We are happy for 900,000 of our countrymen whose situation has improved from being poor over the past two years. We will continue to help the more than 25 million get out of poverty through intervention programs Congress, principally the House where the national budget emanates, should consistently fund,” ani Speaker Romualdez.

Bukod sa pagsuporta sa mga programa ng administrasyong Marcos, sinabi ni Speaker Romualdez na mayroon ding inisyatiba ang liderato ng Kamara, mga mambabatas, at lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga mahihirap na pamilya.

“We hope we can reduce poverty to a single-digit rate by the end of the term of President Ferdinand Marcos Jr., as he has set out to do when he assumed the presidency,” sabi ni Speaker Romualdez.

Binanggit ng lider ng mahigit 300 miyembro ng Kamara ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Assistance to Individuals in Crisis Situation, TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers), libreng pag-aaral sa kolehiyo, libreng health insurance, at pagbibigay ng cash subsidy na kabilang sa mga programa ng gobyerno upang matulungan ang mga mahihirap.

Nagdesisyon din umano ang Kamara na gamitin ang oversight power nito upang mabantayan ang presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin at labanan ang smuggling, hoarding, price manipulation, at mga katulad na pang-aabuso ng mga negosyante na nagpapahirap sa mga ordinaryong mamimili.

Nauna rito, ibinunyag ni Speaker Romualdez na isinama ng Kongreso sa 2024 national budget ang P60 bilyong pondo para sa bagong programang AKAP (Ayuda sa Kapos ang Kita) kung saan bibigyan ng tig-P5,000 ang may 12 milyong mahihirap na pamilya na hindi kumikita ng lagpas sa P23,000 kada buwan.

Sinabi ng lider ng Kamara na halos P500 bilyon ang halaga ng ayuda na kasama sa 2024 national budget na nilagdaan ng Pangulo kamakailan.

Batay sa pag-aaral ng World Bank, sinabi ni Speaker Romualdez na mayroong mga ebidensya na nagsasabi na ang pagbibigay ng direktang ayuda ay epektibo sa pagbawas ng kahirapan.

“Our own 4Ps is proof of this. Many beneficiary-families have improved their situation by producing college graduates,” wika pa ni Speaker Romualdez.

Tinukoy din ni Speaker Romualdez ang ulat ng Philippine Information Agency na 31 bata mula sa mga pamilyang benepisyaryo ng 4Ps ang nakapagtapos ng kolehiyo at nakapasa ng licensure examination—25 bilang guro, apat ay accountant, at dalawa ang engineer.

Kasama sa mga kondisyon ng 4Ps ang pagpapatuloy sa pag-aaral ng mga bata.

“We are happy as well for those graduates and their families,” Speaker ani Speaker Romualdez.

Sinabi ng lider ng mababang kapulungan na inilungsad din ng Kamara ang CARD (Cash Assistance and Rice Distribution) program.

“Nabuo ang programang ito bilang sagot sa hamon ng ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na tumulong kung paano mabibigyan ng mura at magandang klase ng bigas ang ating mga komunidad,” dagdag pa nito.

Sa tulong ng Department of Social Welfare and Development, namahagi ang CARD team ng bigas at tulong pinansyal sa libu-libong benepisyaryo sa Metro Manila at mga probinsya gaya ng Laguna, Biliran, Davao de Oro, Leyte, Camarines Sur, at Ilocos Norte.

Ang CARD ay inilungsad sa 33 legislative district ng Metro Manila kung saan namili ng tig-10,000 mahihirap na benepisyaryo o kabuuang 330,000 pamilya. Kasama sa mga benepisyaryo ay mga senior citizen, persons with disability, solo parent, at indigenous people.

Ang mga benepisyaryo ay binigyan ng tig-P2,000 ayuda na binubuo ng P950 o 25 kilong bigas at ang natitira ay pambili ng ulam.

Ang CARD program ay target na dalhin sa lahat ng legislative district ng bansa at 10,000 benepisyaryo ang kukunin sa bawat distrito.

Bukod sa mga nabanggit, nauna ng sinabi ni Speaker Romualdez na ilulungsad sa susunod na taon ang isang rice voucher program na ibibigay sa mga mahihirap upang matulungang makabili ng bigas ang may 28 milyong mahihirap na pamilya.

“This subsidy program is our strong response to President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.’s call to the House of Representatives to come up with means to bring down the price of rice for disadvantaged Filipino families in difficult situations. It will benefit seven million families across legislative districts in the country, or roughly 28 million people,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ang programa na tinawag na Bagong Pilipinas Community Assistance and Rice Discount (CARD), ay nabuo sa kolaborasyon ng mga lokal na pamahalaan at DSWD Sec. Rex Gatchalian.