Calendar
PPCRV walang nakitang anomalya sa eleksyon
WALANG nakitang anomalya ang poll watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa katatapos na halalan kung saan nagwagi si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. batay sa unofficial na bilangan ng boto.
Ayon kay PPCRV chair Myla Villanueva walang nakita ang kanilang mga eksperto na batayan upang masabi na dinaya ang resulta ng halalan.
Sinabi ni Villanueva na hiniling ng PPCRV sa mga eksperto mula sa math department ng Ateneo de Manila University at University of Santo Tomas na pag-aralan ang sinasabing anomalya at wala umano silang nakitang iregularidad sa kanilang pagtingin.
Taliwas ito sa mga ipinakakalat sa social media na nagkaroon umano ng sistematikong pandaraya upang ipanalo si Marcos.
Ang Commission on Elections (Comelec) ay magsasagawa rin ng random audit kung saan ikukumpara ang resulta na inilabas ng vote counting machine sa resulta ng isasagawang mano-manong pagbilang ng mga boto.