Calendar

PRAs hinimok na wag muna magpapadala ng OFW sa ME
HINIMOK ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga pribadong ahensiya ng pagre-recruit (PRAs) na ipagpaliban muna ang pagpapadala ng mga processed na manggagawang Pilipino sa mga bansa sa Gitnang Silangan na apektado ng kaguluhan upang masiguro ang kanilang kaligtasan at kapakanan.
Naglabas ang DMW ng Advisory No. 19 s. 2025 na muling binibigyang-diin ang mga umiiral na limitasyon sa pagpapadala ng OFWs sa Israel, Iran, Jordan, at Lebanon.
Nanatili sa Alert Level 3 ang Lebanon, na nangangahulugang hindi pinapayagan ang deployment ng mga bagong hire at mga nagbabalik na manggagawa.
Samantala, nasa Alert Level 2 ang Israel kung saan tanging mga nagbabalik na manggagawa na may bisa pang kontrata ang pinapayagan — ngunit pansamantalang hindi makabiyahe dahil sa pagsasara ng airspace sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon.
“Ngayon, Alert Level 2 tayo sa Israel — ibig sabihin, bawal ang bagong hires pero puwede ang returning. Pero dahil sarado ang airspace, hindi sila makakabiyahe, pati na ‘yong mga papuntang Jordan dahil babalik din sila kung pinilit,” ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac sa isang press briefing nitong Huwebes.
Sa kasalukuyan, may kabuuang 58 OFWs ang stranded— 43 papuntang Israel at 15 sa Jordan — na tinulungan ng Migrant Workers Offices (MWOs) ng DMW sa Dubai at Abu Dhabi para sa kanilang repatriation. Nakikipag-ugnayan ang DMW sa MWOs at mga Embahada ng Pilipinas upang tiyakin ang kapakanan ng mga manggagawang naipit sa biyahe.
“Kapag regulatory ang usapan, kailangang sumunod ang mga ahensiya. Kapag nagpatuloy ang deployment kahit may utos na tigil, may kaakibat na parusa,” babala ni Secretary Cacdac. “At kung kami ang gumastos sa pagpapauwi, sila ang sisingilin namin sa travel cost.”
Itinakda ng advisory ang mga sumusunod na dapat gawin ng PRAs:
– Panatilihin ang aktibong komunikasyon sa mga employer at foreign partners upang masigurado ang lokasyon at kalagayan ng mga deployed na manggagawa;
– Magsagawa ng regular na welfare checks at maghain ng ulat gamit ang OFW Welfare Monitoring System;
– Bumuo ng contingency plans para sa evacuation at emergency repatriation;
– Sagutin ang gastos sa rerouting o rebooking ng flight ng mga OFWs na apektado ng airspace closures; at
– Itigil ang pagpoproseso ng deployment sa Jordan at Israel hangga’t walang bagong abiso.
Nakipagpulong din ang DMW sa mga ahensiyang tulad ng Philippine Association of Manpower Agencies for Jordan (PAMAJOR) at Foreign Recruitment Agency sa Jordan upang ipaliwanag ang sitwasyon at masiguro ang kanilang pagsunod.
“Naipaliwanag natin sa mga employer sa Jordan ang kasalukuyang sitwasyon at handa silang maghintay at tumulong sa ating mga stranded na OFWs,” ani DMW Undersecretary Bernard Olalia.
Binigyang-diin ng DMW ang kanilang pagtutok sa proteksyon at seguridad ng mga OFWs, lalo na sa panahon ng krisis, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa pakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs at iba pang ahensiya ng gobyerno.