Calendar
Prayer rallies for peace ni Duterte puro paninira, pambabastos
KINONDENA ng mga mambabatas ang “prayer rallies for peace” na pinangungunahan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at iba pang kritiko ng administrasyong Marcos dahil puno umano ito ng paninira at pambabastos.
Ayon kay Deputy Majority Leader at Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy V hindi papasang peace rally ang ginagawa ng mga kritiko ng administrasyon.
“The fact that they are calling it a peace rally is a bit ironic,” ani Dy. “It’s not all about peace. Puro paninira ang nangyayari, puro pambabastos pa, puro paninira sa ating current administration but they’re not even offering any other solutions to what they’re saying or the problems.”
“Nakakalungkot na ganito ‘yung sitwasyon nila ano, na patuloy pa rin hanggang ngayon na sinusubukan nilang siraan ang ating Pangulo pero hindi naman po matitibag basta-basta ang popularidad, ang support ng ating mga kababayan sa ating mahal na Pangulo,” sabi pa ni Dy.
Sa isa sa mga prayer rally, inakusahan ni Duterte si Pangulong Marcos na drug addict ng hindi naglalabas ng anumang ebidensya. Inaakusahan din nito ang Pangulo na pinaaamyendahan ang Konstitusyon upang magtagal sa puwesto kahit na sinabi na ng Pangulo na ang sinusuportahan lamang nito ay ang pag-amyenda sa economic provisions.
Sa isinagawang prayer rally sa Maynila, pinagbantaan ni dating Biliran Rep. Glenn Chong na sasampalin si First Lady Liza Marcos-Araneta.
Sa Tagum City naman hinikayat ni dating Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines na huwag ng suportahan si Pangulong Marcos dahil sa paninindigan nito na ipagtanggol ang teritoryo ng bansa laban sa pambubully ng China.
Sinabi naman ni Deputy Majority Leader at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre na hindi tama na tawaging prayer rally ang naturang mga pagtitipon.
“Kung pakikinggan po natin ‘yung mga sinasabi, ‘yung mga salitang binibitawan po sa entablado doon ay ang layo po sa kagustuhan nilang magkaroon ng peace,” wika pa ni Acidre.
“Siguro ho ang maganda lang, o mas magandang gawin eh mas tuunan nalang natin ng pansin ‘yung mga bagay na mas magbibigay linaw at magbibigay solusyon sa mga problemang kinakaharap ng ating bansa,” punto ni Acidre.
“Nakikita naman natin na ang ating Pangulo ay patuloy na nagtatrabaho, patuloy na nagsusumikap at nandoon din ‘yung suporta ng majority ng Congress, ng majority ng ating, kundi naman lahat ng ating mga local government units,” dagdag pa nito.
Umapela naman si Assistant Majority Leader at Manila 1st District Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio na ipagdasal na magtagumpay ang administrasyon ni Pangulong Marcos.
“Peace or prayer rally? Hindi, kasi kapag peace rally eh kapayapaan o ito dapat pagsuporta natin sa nakaupong may mandatong pangulo,” punto ni Dionisio.
“Ipagdasal na magtagumpay ‘yung Pangulo natin because remember if the President succeeds, the country will succeed, at tayong lahat bilang mga Pilipino ay magtatagumpay,” dagdag pa ng mambabatas. “So, dapat talaga suportahan natin at ipagdasal ang Pangulo. That is the true essence of a peace and prayer rally in my humble opinion.”