Presyo ng bigas bababa sa pag-angkat sa Vietnam, India

187 Views

KUMPIYANSA ang Department of Agriculture (DA) na bababa ang presyo ng bigas sa pagkuha ng bigas ng Pilipinas sa Vietnam at India.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinabi ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban na binuksan ng DA ang pakikipag-usap sa Vietnam at India upang madagdagan ang suplay ng bigas sa bansa.

Ang mga Vietnamese exporter ay nagbigay umano ng quotation na US$30-40 mas mababa sa naunang quotation na ibibigay ng mga ito sa pagpupulong sa Malacañang.

Sinabi ni Panganiban na nasa 300,000 hanggang 500,000 metriko tonelada ng bigas ang nais na idagdag ng gobyerno sa rice inventory ng bansa.

Nakikipag-usap na rin umano ang DA sa gobyerno ng India upang payagan na makapag-angkat ang Pilipinas “on humanitarian grounds.”

“This will hopefully pave the way for the country to get better terms for the additional 300,000 to 500,000 MT rice importation for this year,” ani Panganiban.

“This will help lower the prices of rice as it will further beef up our national inventory which, even without importation, is expected to last for 52 to 57 days by end of 2023,” dagdag pa ng opisyal.

Nauna ng tiniyak ni Pangulong Marcos na mayroong sapat na suplay ng bigas ang bansa sa kabila ng pananalasa ng bagyong Egay at Habagat sa hilagang bahagi ng bansa.