Rice

Presyo ng bigas inaasahan bababa sa Oktubre

Cory Martinez Sep 19, 2024
85 Views

INAASAHAN bababa na ang presyo ng bigas sa susunod na buwan bunsod ng desisyon ng pamahalaan na bawasan ang import tariff.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr., maaaring magresulta sa pagbaba ng presyo ng bigas sa halagang lima o hanggang pitong pisong bawas sa kada kilo ng bigas dahil sa pagbaba ng taripa.

Subalit sinabi naman ni Tiu Laurel na mararamdaman lamang ang malaking epekto ng pagbawas sa taripa sa Enero ng susunod na taon.

Kamakailan, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order 62, na nagtatakda ng pagbawas sa taripa sa bigas mula sa 35 porsiyento hanggabg sa labinglimang porsiyento na naging epektibo noong Hulyo 8.

Layunin ng naturang hakbang na ibaba ang presyo ng bigas na lubhang naapektuhan dahil sa pagtaas ng inflation rate na sadyang nagpahirap sa badyet ng mga konsumer.

“But since demand for food usually spikes in December, we anticipate seeing a more substantial drop in rice prices by January,” ani Tiu Laurel.

Ipinaliwanag pa ng kalihim na hindi pa natutupad ang inaasahang pagbaba ng presyo ng bigas dahil sa pag-angkat ng maraming bigas ng mga negosyante bilang paghahanda sa kakulangan ng suplay dulot ng El Niño.

Sa pagitan ng Disyembre 2023 hanggang Mayo 2024, umaabot sa 422,000 metriko tonelaga kada buwan ang rice importation average, na higit pa sa buwanang konsumo na 102,000 tonelada.

Nagresulta ito sa sobrang suplay na 612,000 metriko tonelada ng imported rice sa mataas na taripa na 35 porsiyento, na sapar para sa dalawang buwan na konsumo.

Bago ang pagbawas ng taripa, bumaba ang rice import sa 176,000 metriko tonelada noong buwan ng Hunyo at Hulyo.

“It wasn’t until August that we saw a significant increase in import volumes to 385,000 metric tons,” ani Tiu Laurel.

Bukod sa mataas na import tariff, napilitan ang mga negosyante ng bigas na bumili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka sa mataas na halaga na P30 kada kilo dahil sa pagtaas naman ng pandaigdigang presyo.

Sa kasalukuyang presyo ng bigas sa pagitan ng P23 at P25 kada kilo, inaasahan ng parehong pagbawas sa presyo sa merkado.

“Given the wet season, some areas are seeing palay being bought at PHP16 to PHP 17 per kilo. We need to monitor this closely to ensure farmers are not shortchanged,” dagdag pa ni Tiu Laurel.

Nananatili na mataas ang pandaigdigang presyo ng bigas dahil sa malakas na demand mula sa Malaysia at Indonesia, na lalo pang pinalala ng pagsubok ng Thailand at Vietnam na itulak ang mas mataas na presyo.

“Fortunately, Myanmar has reduced their prices, which has somewhat eased the pressure on rice prices,” anang kalihim.

Binigyang-diin pa ni Tiu Laurel na maliit ang tsansa na mapababa ang pandaigdigang presyo dahil hindi pa binabawi ng India ang pagbabawal nito na mag-export ng kanilang non-basmati white rice, parboiled rice at broken rice.

Dagdag pa dito ang pagbaba ng freight cost nitong buwan matapos itong tumaas nang hanggang USD30 kada tonelada nitong Hunyo at Hulyo.

Patuloy namang minamatyagan ng DA ang kondisyon ng merkado upang masiguro na matutupad ang benepisyo ng pagbawas sa taripa at pawang makikinabang ang mga mamimili at mga magsasaka.