Calendar
Presyo ng bigas pwede pang bumaba–DA
IPINANGAKO ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. na ibababa pa ang presyo ng bigas bunga ng resulta ng inflation na lumalabas na nakatulong sa mga mahihirap na Pilipino.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), naging positibo ang epekto ng desisyon ng DA na ibaba ang presyo ng bigas sa inflation data para sa Nobyembre.
Sinabi ni Economic Planning Undersecretary at National Statistician Claire Dennis Mapa na bumaba ang rice inflation sa 5.1 porsiyento noong Nobyembre mula sa 9.6 porsyento noong Oktubre.
Subalit paliwanag ni Mapa na bahagyang na-offset ang naturang improvement ng mataas na presyo ng mga gulay na lubhang naapektuhan ng sunud-sunod na bagyo at ang pagtaas ng presyo ng baboy dahil sa epekto ng African Swine Fever (ASF).
Binigyang-diin ni Mapa ang malaking epekto ng Rice-for-All program ng DA sa pagpapalakas ng purchasing power ng mga lower-income consumer.
“Rice inflation has been on a downtrend since January. The retail prices for regular, well-milled and special rice are also declining. This is good news for households,” ani Mapa.
Dagdag pa nito na nakatulong ang pagbaba ng presyo ng bigas upang mapababa ang inflation sa bottom 30 percent ng income household na naglalaan ng malaking bahagi ng kanilang badyet para sa pagkain.
Bumagal ang inflation para sa lower-income household sa 2.9 porsyento noong Nobyembre, mula sa 3.4 porsyento noong Oktubre at 4.9 porsyento noong November, 2023.
Samantala, sinimulan na ng DA nitong Huwebes ang roll-out ng programa nitong Rice-for-All sa ilang pampublikong pamilihan sa Metro Manila upang makapagbenta ng abot-kayang bigas at masawata ang mataas na retail price.
Ayon kay Tiu Laurel, bahagi ang naturang hakbang sa KADIWA ng Pangulo program kung saan magbebenta ng unlimited quantity ng bigas sa halagang P40 per kilo,
Layunin pa rin ng pagtitinda ng mas murang bigas sa mga pampublikong pamilihan sa Metro Manila na mababa ang retail prices na patuloy pa ring mataas sa kabila ng pagbaba ng pandaigdigang presyo at pagbaba ng taripa.
“The DA stands ready to intervene in the market if rice prices remain unrealistically high, especially with the additional P5 billion provided by President Marcos to support the Rice-for-All and the P29 [per kilo of rice] program,” dagdag pa ng kalihim.