Calendar

Presyo ng gamot ngayong tag-ulan dapat bantayan
MAGANDANG araw sa lahat ng ating mambabasa, lalo na sa Japan.
Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan at kalusugan.
Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Aimi Houchii, Patricia Coronel, Chato Coronel, La Dy Pinky, Lorna Pangan Tadokoro, Endo Yumi, Yoshiko Katsumata, Hiroki Hayashi, Winger dela Cruz, Roana San Jose at si Hiroshi Katsumata.
Ganun din kay Joanne de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman at Jess Manuel ng Saudi Arabia.
(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa # +63 9178624484)
***
Tama ang ginagawa ng gobyerno na mapababa ang presyo ng mga bilihin sa merkado.
Pero kailangang siguruhin na kikita rin ang mga magsasaka, mangingisda at manufacturers ng mga produkto.
Kagaya na lang ng bigas. Dapat ang presyo ng bigas ay “within reach,” lalo na nang mga mahihirap at walang trabaho.
Pero hindi ibig sabihin nito ay malulugi naman ang mga nagtatanim ng palay sa buong bansa.
Siguruhin lang ng gobyerno na mabibili sa tamang presyo ang mga palay ng mga magsasaka.
Kung sabagay, ganito na nga ang ginagawa ngayon ng National Food Authority (NFA) para makatulong sa mga magsasaka.
Kailangan din bantayang mabuti at ikulong ang mga tiwaling palay at rice traders sa bansa.
Sila ang mga salot sa lipunan.
Matagal na nilang pinagsasamantalahan ang mga pobreng magsasaka.
Hindi ba, Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr?
***
Ang isa pang dapat bantayan ng mga otoridad ay ang presyo ng mga gamot ngayong panahon ng tag-ulan.
Alam naman natin na maraming nagkakasakit kung dumarating ang mga malalakas na pag-ulan na dala ng mga bagyo.
Nandiyan ang dengue, leptospirosis, ubo, sipon, trangkaso at diarrhea.
Dahil sa kahirapan at kawalan ng gamot sa health centers ay napipilitan ang mga mahihirap na kumonsulta sa mga herbolaryo at faith healers.
Masakit mang tanggapin, ang magagawa lang ng mga mahihirap ay mag-ingat, para hindi magkasakit.
Bukod kasi sa gamit, mahal din ang bayad sa mga doctor.
Ang siste, hindi naman puwedeng nasa loob lang ng bahay ang mga mahihirap.
Kahit nga bumabagyo o bumabaha ay kailangang lumabas ng bahay para magtrabaho.
Kundi, mamamatay naman sila sa gutom.
Tsk tsk tsk.