Pahayag

Principal inakusahan ng pagmolestiya sa 4 na estudyante arestado

97 Views

ARESTADO ang isang school principal sa Quezon City matapos umanong ireklamo ng pang-aabuso ng apat na menor de edad na estudyante.

Ayon sa report, naganap ang pang-aabuso noong Setyembre 28 bandang alas- 11:50 ng umaga sa bahay ng principal sa Cainta, Rizal.

Apat na Grade 10 na mag-aaral ang nagsampa ng reklamong acts of lasciviousness laban sa 59-anyos na school principal.

Kinasuhan ang principal ng paglabag sa Section 5 (b) ng Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act).

Samantala, tiniyak ng Quezon City government na mapaparusahan ang principal.

“Hindi namin kailanman kukunsintihin ang ganitong gawi. Titiyakin natin na magkakaroon tayo ng masusing imbestigasyon sa kaso at handa tayong magpaabot ng tulong legal sa mga biktima upang lalong mapatibay ang kaso laban sa akusado,” pahayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Nanawagan si Belmonte sa iba pang posibleng mga biktima na magsalita upang matiyak na maparurusahan ang may sala at makamit ang hustisya.

Sinabi ni Schools Division Superintendent Carleen Sedilla na natanggap nila ang ulat tungkol sa umano’y sekswal na pang-aabuso ng prinsipal noong Setyembre 29.

“Ang School, Child Protection Committee nagpulong at nakipagpulong sa mga magulang at mga mag-aaral para sa interbensyon at sikolohikal na pangunang lunas,” sabi ni Sedilla.

Humiling din ang Schools Division Office ng imbestigasyon sa insidente para sa administratibong aspeto ng kaso.