PRO-11 nakasamsam ng P7.3M na shabu

Alfred Dalizon Jun 12, 2025
302 Views

HALOS P7.3 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Police Regional Office (PRO)-11 noong nakaraang buwan.

Ayon kay PRO-11 director Brigadier General Leon Victor Z. Rosete, ang kanilang mas mahigpit na anti-drug campaign noong Mayo ay nagresulta din sa pagkakadakip sa 310 suspek.

Sa kanyang ulat kay Philippine National Police chief, General Nicolas D. Torre III, resulta ng 59 anti-narcotics operations ang nag nasamsam na shabu at nahuling suspek.

“We are also further enforcing a much stronger anti-drug strategy in Southern Mindanao guided by the principles of Gen. Torre. Unang-una dito ang mahigpit na pago-obserba ng human rights at police operational procedures,” ayon kay Brig. Gen. Rosete.

Sinabi ng opisyal na kabilang sa 259 anti-drug operations ang 165 buy-busts, 37 service of warrants of arrest para sa violation ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at 25 sa pagsisilbi ng search warrants laban sa iligal na droga.

Dalawa din ang nadakip sa bisa ng mga search warrants, dalawa ang nahuli sa aktong gumagamit ng droga, 18 ang nasakota sa checkpoints at 13 iba pa ang nadakip dahil sa iba pang mga police interdictions.

Ayon kay Brig. Gen. Rosete, kabilang sa mga nadakip ang 72 ‘high-value individuals’ at 29 ‘street-level individuals.’ Lahat ng mga akusado ay nahaharap na ngayon sa mga kasong pagblabag sa RA 9165.

Dagdag pa niya, ang mga naturang operasyon ay nagresulta sa pagkakakumpisa ng 1.046 kilo ng shabu, 403 gramo ng dried marijuana leaves at 1,433 piraso ng mga puno ng marijuana na nagkakahalaga ng P7,334,702.93.