Calendar
PRO-4A nalambat 42 crime suspek sa loob ng 24 oras
CAMP BGEN Vicente Lim–Umabot 42 suspek sa iba’t-ibang krimen ang bumagsak sa kamay ng mga pulis sa 24 oras na operation ng Police Regional Office 4A.
Nagsagawa ng 42 simultaneous operations ang iba’t-ibang unit ng pulisya kaya nahuli ang bilang ng mga wanted na tao sa limang lalawigan.
Kasama sa naaresto si alyas Marc sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), dakong ala-1:07 ng hapon sa Brgy. Bigaa, Cabuyao City, Laguna.
Naaresto rin si alyas Edward dahil sa apat na bilang ng rape dakong alas-2:05 hapon noong Hulyo 28 sa Brgy. Amaya 6, Tanza, Cavite.
Nadakip din si alyas Virgilio na may parehong bilang ng kasong rape dakong alas-3:15 ng hapon sa Brgy. Julugan 1, Tanza, Cavite.
Si alyas Jomel na wanted din sa kasong rape naaresto dakong alas-2:52 ng hapon sa Brgy. Olo-olo, Lobo, Batangas.
Isinagawa ang operasyon ng Lobo police katuwang ang 4th Maneuver Platoon ng 1st Batangas Provincial Mobile Force Company (BPMFC) at Provincial Intelligence Team ng Batangas.
Ayon kay PBGen. Jack Wanky, director ng PRO-4A, ang tagumpay ng operasyon ay patunay ng determinasyon ng kapulisan na walang sinumang kriminal ang makakatakas sa batas.
“Walang makakatakas sa kamay ng batas. Sa bawat operasyon, pinapatunayan ng PNP CALABARZON na seryoso kami sa pagbibigay hustisya at pagprotekta sa ating mga komunidad,” ani PBGen. Wanky.

