Calendar
PRO CALABARZON tuloy kampanya vs most wanted; MWP laglag sa Batangas
Camp BGen Vicente P. Lim, Lungsod ng Calamba — Ipinagpatuloy ng Police Regional Office CALABARZON, sa pangunguna ni Regional Director PBGEN Paul Kenneth T. Lucas, ang mas pinaigting na kampanya laban sa mga wanted persons kahit sa paggunita ng Undas 2025.
Dahil dito, naaresto ang No. 1 Regional Level Most Wanted Person sa Barangay Banoyo, San Luis, Batangas, bandang alas-6:35 ng gabi noong Nobyembre 1, 2025.
Kinilala ang naarestong suspek bilang si alyas “Charlie,” 48, residente ng Taal, Batangas, at itinuturing na No. 1 Most Wanted Person sa Rehiyon dahil sa mga kasong may kinalaman sa paulit-ulit na pang-aabusong sekswal.
Ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng San Luis Municipal Police Station, Regional Intelligence Unit 4A – Provincial Intelligence Team, at ng Batangas Maritime Police Station sa bisa ng Warrant of Arrest laban sa suspek para sa mga kasong Statutory Rape sa ilalim ng Artikulo 266-A (1) kaugnay ng Artikulo 266-B ng Revised Penal Code na may mga susog, Rape by Sexual Assault, at Acts of Lasciviousness kaugnay ng RA 7610 na inamyendahan ng RA 11648, sa ilalim ng mga Criminal Case Nos. 229-2025 hanggang 235-2025.
Ang warrant ay nilagdaan at inilabas ni Executive Judge Mary Jane B. Valeza-Maranan ng RTC, Fourth Judicial Region, Branch 5 noong Oktubre 21, 2025. Walang piyansa ang inirekomenda para sa kasong Statutory Rape; ₱200,000 para sa kasong Rape by Sexual Assault; at ₱180,000 bawat isa para sa tatlong (3) bilang ng Acts of Lasciviousness.
Pinuri ni PBGEN Paul Kenneth T. Lucas ang CALABARZON police dahil sa kanilang kahusayan, koordinasyon, at dedikasyong nagbunga ng matagumpay na pag-aresto.
“Ang pag-arestong ito ay patunay ng matibay na paninindigan ng CALABARZON police na tugisin ang mga pugante at protektahan ang ating mga mamamayan. Hinding-hindi namin papayagang makalusot sa hustisya ang mga taong umaabuso sa kababaihan at kabataan,” pahayag ni PBGEN Lucas.
Ipinakikita ng tagumpay na ito ang matatag na layunin ng PRO CALABARZON na paigtingin ang kampanya laban sa mga wanted persons at mga salarin sa mabibigat na krimen, alinsunod sa Focused Agenda ni Acting Chief, PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Patuloy na naninindigan ang CALABARZON police sa kanilang misyon na magtaguyod ng isang mas ligtas, mas panatag, at malayang lipunan sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Samantala, ang naarestong suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng San Luis MPS para sa dokumentasyon at wastong disposisyon.

