Sen. Robinhood "Robin" C. Padilla

Pro-Charter reform na 2025 bets handang ikampanya ni Robin

182 Views

HANDA si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na ikampanya ang mga kandidato sa 2025 na susuporta sa pag-amyenda ng probisyong pang-ekonomiya at pampulitika ng Saligang Batas.

Iginiit ni Padilla na kailangang magkaroon ng unicameral at parliamentary na anyo ang pamahalaan para matiyak ang pag-unlad.

Nagpahiwatig din si Padilla na isusulong niya ang term extension sa Saligang Batas para maipagpatuloy ang magandang programa ng isang administrasyon.

“Kaya sana pagdating ng parating na eleksyon, ako ay mangangampanya sa kandidatong hindi kilala (o) walang pera pero naniniwala na kailangan nating baguhin ang Konstitusyon,” aniya sa panayam. “Kailangan tulungan ninyo ako. Lahat maguumpisa yan sa 2025… Sa 2025 magdesisyon na kayo kung tayo ay tatapak ng paabante o paatras.”

“Ang mahihingi ko sa inyo na tulong sa taumbayan, ay dumating ang panahon na maniwala naman tayo sa mga kandidato na maaaring di kilala, walang pera, pero naniniwala na kailangan na nating baguhin ang 1987 Constitution. Kasi hangga’t yung mga nakaupo na senador ay naniniwala na kaya pang iangat ang bansa ng 1987 Constitution, mananatili tayong dreamer,” dagdag ni Padilla, na ipinunto na “wala na sa panahon” ang 1987 Constitution.

Ipinaliwanag ni Padilla na kailangan ng unicameral at parliamentary na sistema para mabilis ang pagpasa ng batas, at aniya’y hindi masasayang ang oras sa proseso ng dalawang kapulungan tulad ng sa kasalukuyan.

Ayon sa kanya, pag unicameral at parliamentary ang sistema, lahat na gusto ng Prime Minister ang tatrabahuhin ng parliament. “Walang sayang na oras,” aniya.

Dagdag niya, dapat nang pagusapan ang term extension dahil ito ang palaging dahilan ng mga sumasalungat sa pag-amyenda sa Saligang Batas. Ayon kay Padilla, pabor siya sa hanggang dalawang termino na tig-apat na taon.

“Anong masama kung magkaroon ng second term ang pangulo? Di ko maintindihan. Ang anim na taon napakaiksi sa magaling na presidente pero napakahaba para sa nganga,” aniya.

Dagdag ni Padilla, haharapin niya ang isyu ng term limit pag isinulong muli niya ang pagbabago sa Saligang Batas – lalo na’t sa 1935 Constitution ay maaaring tumakbo ng apat na taon ang pangulo at maaaring tumakbo muli para sa apat na taong termino.

“Isipin mo isang pangulo may four years, ang gagawin puro maganda para ma-reelect siya. Ang magandang plano sa apat na taon masasakatuparan sa four years na yan. Makita mo positibo sa epekto nito,” aniya.