Approach

Proactive approach sa cancelation ng AEPs ng POGO workers kailangan

88 Views

HINIMOK ni Sen. Win Gatchalian ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magpatupad ng proactive approach para sa pagkansela ng alien employment permits (AEP) na hawak ng mga manggagawa sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) dahil sa nalalapit na ban sa lahat ng POGO.

“Iniiba-iba lang ng mga POGO ang kanilang anyo upang manatili sila sa bansa at ipagpatuloy ang kanilang mga aktibidad sa pang-i-scam,” sabi ni Gatchalian sa kanyang interpellation sa panukalang pondo ng DOLE para sa 2025.

“Kailangan natin ng proactive na diskarte para kanselahin ang kanilang mga work permit at sa huli ipadala ang mga manggagawang ito sa kanilang bansang pinanggalingan at kailangan natin ang buong makinarya ng gobyerno na magtulungan upang putulin ang legal na batayan para sa mga indibidwal na ito na manatili sa Pilipinas,” diin niya.

Ang legal na batayan para sa operasyon ng POGO sa bansa nakatakdang magwakas sa katapusan ng taon.

Ayon sa DOLE, nasa 15,819 na AEP ang na-isyu ngayong taon. Humigit-kumulang sa 36,000 AEP ang nakansela mula nang magdeklara ang Pangulo ng POGO ban.

Sinabi ng kagawaran na nakikipag-ugnayan ito sa Bureau of Immigration (BI) upang matiyak na ang mga working visa ng mga dayuhan na may POGO-related AEPs kanselado na at mapipigilan sila na manatili nang ilegal sa bansa.

Hinimok ni Gatchalian ang labor department na palakasin ang kanilang employment facilitation programs para sa mga Pilipino na nagtatrabaho sa mga POGO upang matiyak na ang mga mawawalan ng trabaho sa industriya makakakuha agad ng trabaho.

Sa loob ng mahigit dalawang taon, isinusulong ni Gatchalian ang pagpapatalsik ng mga POGO sa bansa.