DA

Produksyon ng bigas gaganda sa pag-amyenda ng RTL — DA

Cory Martinez Jan 4, 2025
24 Views

INAASAHANG mapapabilis ang technological advancement sa rice production at mapapalakas ang kahusayan at output nito sa buong bansa dahil sa pag-amyenda ng Rice Tariffication Law (RTL), na naging epektibo noong Disyembre 25.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., napapanahong pamasko ang pag-amyenda ng naturang batas para sa milyun-milyong Pilipinong magsasaka at sa kanilang pamilya.

Kabilang sa pangunahing rebisyon sa ilalim ng Republic Act 12078, ay ang pangakong mapabuti ang katatagan ng sektor at pag-unlad ng pamumuhay ng mga magsasaka ng bigas.

Isa sa mga pangunahing pagbabago sa revised RTL ay ang pag-triple ng pondo na ilalaan para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund, o RCEF, sa P30 bilyon na gagamitin sa pagmo-modernize at mechanize ng rice farming sa Pilipinas.

Pinalawig din ang duration ng pondo sa anim na taon o hanggang 2031. Mayroong karagdagang pondo na P180 bilyon para sa pagpapatupad nito.

Inaasahan din na mapalaki ang kita ng mga magsasaka at magiging abot-kaya ang presyo ng bigas.

“We welcome these changes to the RTL, introduced under Republic Act 12078, that would allow the DA to provide more funds to fasttrack the modernization of the rice industry and significantly improve the lives of millions of Filipino rice farmers and their families,” ani Tiu Laurel.

Kabilang pa sa rebisyon ay ang pag-ikli ng panahon ng pag-imbak ng bigas bilang reserve ng National Food Authority (NFA) para sa emergency use. Magiging “non-regular” stocks ito mula tatlong buwan hanggang dalawang buwan.

Ang pagbabagong ito ay inaasahang mapapabuti pareho ang kalidad at dami ng bigas na available para P29 per kilo rice program.

Malugod na tinanggap ni Tiu Laurel ang naturang amyenda dahil mapapaganda nito ang financial standing ng NFA sa pamamagitan ng pagbawas sa pangangailangan na mangutang upang pondohan ang operasyon kabilang na ang pangsweldo sa mga kawani.

Bukod dito, binibigyan ng revised RTL ng awtoridad ang Agriculture secretary na magdeklars ng isang national food security emergency kung sakaling may kakulangan sa suplay o may extraordinary price fluctuations.

Dahil dito, maaaring maglabas ang NFA ng lahat ng kanilang buffer stocks at ipatupad ang emergency rice importation upang mapatatag ang presyo at maiwasan ang potensyal na market manipulation mula sa mga unscrupulous na trader.

Sa P30 bilyon na inilaan sa RCEF, anim na bilyon dito ay ilalaan sa high-quality rice seeds, P9 bilyon para sa farm mechanization, at P15 bilyon para sa farmer training programs, financial assistance at credit, pest and disease management, soil health program, at infrastructure tulad ng solar-powered irrigation systems.

Layunin ng pondo na mapataas ang produksyon ng certified inbred rice seeds, na may na 5.5 milyong bag kada taon hanggang 2027. Sasakupin ito ang may 2.54 milyong ektarya ng lupa.