Petrolyo

Produktong petrolyo magmamahal sa Enero 14

Edd Reyes Jan 13, 2025
14 Views

MAGTATAAS ng presyo ng mga produktong petrolyo ang mga dambuhalang kompanya ng langis simula alas-6:01 ng umaga ng Enero 14.

Sa abiso ng Petron Corporation, PTT Philippines, Pilipinas Shell, Total Philippines, Chevron Corporation, Seaoil at Flying V, 80 sentimos kada litro sa gasolina ang itataas at 90 sentimos kada litro ng diesel ang ipatutupad alas-6:01 ng umaga ng Martes.

Alas-6:00 din ng umaga magtataas ng kerosene ang Petron, Chevron, Shell, Seaoil at Flying V ng 80 sentimos kada litro.

Ang Petro Gazz, Unioil, Jetti Oil, Phoenix Petroleum at Eastern Petroleum na pawang hindi nagbebenta ng kerosene, nag-anunsyo rin parehong price increase ng kanilang gasolina at diesel ng alas-6:01 ng umaga habang alas-4:01 ng hapon ang Clean Fuel.

Ayon kay PTT Philippines official Jay Julian, nauna na inihayag ng Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy (OIMB-DOE) ang inaasahang pagtaas muli ng presyo ng mga produktong petrolyo bunga ng nakatakdang pagbabawas ng produksyon ng mga Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC).