Calendar
Source: PNP file photo
Programa vs mental health hiniling palakasin sa gitna ng krisis, kaso ng suicide
SA gitna ng pag-akyat ng mga naitatalang kaso ng suicide sa Metro Manila, isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang mas maigting na pagpapatupad ng mga programa sa mental health upang maprotektahan ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong at maiwasan ang pagkawala ng mas marami pang buhay.
Ang panawagan ni Gatchalian ay kasunod ng ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kung saan lumabas na dumoble pa ang bilang ng suicide cases sa National Capital Region sa unang tatlong buwan ng 2026.
Nakapagtala ang NCRPO ng 111 kaso mula January 1 hanggang March 23 ngayong taon, halos tatlong beses na mas mataas kaysa sa 38 na naitala sa parehong panahon noong 2025.
Ani Gatchalian, mahalagang palakasin ang mga programang magtataguyod sa kaligtasan at kapakanan ng mga kababayan, lalo na pagdating sa mental health.
“Sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng suicide sa bansa, mahalagang patatagin natin ang mga programang magtataguyod sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga kababayan, lalo na pagdating sa mental health,” ani Gatchalian.
Idinagdag pa niya na higit na kailangan ngayon ng mga kababayan ang suporta sa mental health, lalo na’t hinaharap ng marami ang matinding krisis na nakaaapekto sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
“Ngayon higit kailangan ng ating mga kababayan ang suporta sa mental health, lalo na’t hinaharap natin ang matinding krisis na nakakaapekto sa pang-araw araw nating pamumuhay,” sabi pa ng senador.
Sa ilalim ng 2026 national budget, may P742.6 milyong nakalaan para sa pagpapatupad ng Mental Health Program alinsunod sa mandato ng Mental Health Act o Republic Act No. 11036.

