NCCT

Programang pang-edukasyon para sa mga bata isinusulong

11 Views

SA gitna ng paglulunsad ng National Council for Children’s Television (NCCT) ng mga bagong child-friendly na programa sa telebisyon ngayong taon, binigyang diin ni Senador Sherwin Win Gatchalian na kailangang ipagpatuloy ng ahensya ang pagtupad sa mandato nitong pagsulong sa mga dekalidad na programang pang-edukasyon para sa mga bata.

Matatandaang naghain si Gatchalian ng resolusyon (Proposed Senate Resolution No. 1047) upang repasuhin ang mandato ng NCCT. Nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Education (DepEd) ang naturang ahensya.

“Sa panahong laging nakatutok ang mga bata sa kanilang mga gadget, mahalagang magkaroon sila ng alternatibong pagkakalibangan habang natututo, tulad ng panonood ng mga makabuluhang palabas sa telebisyon,” ani Gatchalian.

“Mula 2018 hanggang 2020, hindi nakalikha ang NCCT ng mga bagong programang pang-bata sa telebisyon, batay sa ulat ng Commission on Audit (COA) noong 2021,” dagdag ni Gatchalian. Aniya, bigo ang NCCT na magamit nang husto ang National Endowment Fund for Children’s Television (NEFCTV) upang isulong ang paglikha ng mga lokal at dekalidad na programang pang-bata para sa telebisyon at media.

Ayon pa sa COA, walang malinaw na pamantayan ang NCCT pagdating sa investment, withdrawal, at paggamit ng naturang pondo upang tiyaking nagagasta ito nang maayos. Ayon kay Gatchalian, makakaapekto ito sa tuloy-tuloy na paglikha ng mga angkop na programa para sa mga bata alinsunod sa mandato ng NCCT. Nagrekomenda ang COA sa NCCT na gumawa ito ng mga hakbang upang magamit nang maayos ang NEFCTV. Ngunit sa ulat ng komisyon noong 2022, muling pinuna ang ahensya sa kabiguan nitong aksyunan ang mga isinusulong na rekomendasyon.

Nabuo ang NCCT sa ilalim ng Children’s Television Act of 1997 (Republic Act No. 8370) upang isulong ang produksyon at pag-ere ng mga programang pang-bata sa telebisyon. Nasa ilalim ng Office of the President ang NCCT noon. Sa ilalim ng Executive Order No. 23 series of 2003, nilipat sa DepEd ang pamamahala ng NCCT.

Pinuna rin ni Gatchalian na bagama’t nasa ilalim ng DepEd ang NCCT, hindi ito miyembro ng NCCT Council o Advisory Committee nito.