BBM-Sara

Proklamasyon na lang ang kulang, BBM, Mayor Sara panalo na

243 Views

PROKLAMASYON na lamang ng Kongreso ang kulang upang maging pormal ang pagkapanalo nina dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa unofficial tally batay sa transparency server ng Commission on Elections (Comelec), nakakuha si Marcos ng 31,021,353 boto batay sa mga 98.03 porsyento ng election returns.

Ang pumapangalawang si Vice President Leni Robredo ay nakakuha ng 14,785,073 boto o wala pa sa kalahati ng boto ni Marcos.

Pumapangatlo naman si Sen. Manny Pacquiao na may 3,624,946 boto at sinundan nina Manila Mayor Isko Moreno (1,885,363), Sen. Ping Lacson (880,479), Faisal Mangondato (254,551), Ernie Abella (113,015), Leody de Guzman (91,896), Norberto Gonzales (88,847), at Jose Montemayor (59,823).

Sa pagka-bise presidente, malaki ang agwat ni Duterte sa kanyang mga kalaban. Nakapagtala ito ng 31,466,425 boto.

Pumangalawa naman si Sen. Kiko Pangilinan (9,209,165) na sinundan ni Senate President Tito Sotto III (8,170,513), Doc Willie Ong (1,841,849), House Deputy Speaker Lito Atienza (266,790), Manny Lopez (157,421), Walden Bello (99,509), Carlos Serapio (89,722), at Rizalito David (55,402).

Sa ilalim ng batas, ang Kongreso ang opisyal na magsasagawa ng canvassing sa halalan ng pangulo at ikalawang pangulo at magpoproklama sa mga nanalo.

Sa Mayo 23 ay magbubukas ang sesyon ng Kongreso upang balangkasin ang National Board of Canvassers.

Ang resulta na natanggap ng transparency server ay katulad ng natanggap ng Consolidation and Canvassing System na gagamitin ng Kongreso.