Calendar
House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon
Prosecution kinilala pag-amin ng depensa sa banta ni VP Sara, tinutulan pag-justify nito
KINILALA ng House prosecution nitong Biyernes ang inilarawan nitong pag-amin ng kampo ng depensa na ginawa ni Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte ang umano’y mga bantang sentro ng ikaapat na artikulo ng impeachment, ngunit iginiit na walang anumang sitwasyon ang maaaring magbigay-katwiran sa naturang mga pahayag.
Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, isa sa pinakamahalagang naging resulta ng unang linggo ng paglilitis ay ang posisyon ng depensa na makatwiran umano ang mga banta, na aniya’y malinaw na pag-amin na ang naturang mga pahayag ay tunay na ginawa.
“Nakita natin ang napakalinaw na pag-amin ng depensa sa kanilang pahayag, kung saan inaamin nila ang banta ng Pangalawang Pangulo laban sa Pangulo, ang sinasabi lamang nila ay makatwiran ito,” ani Ridon sa isang press briefing.
Sinabi ni Ridon na itinuturing ng prosekusyon na dalawa sa pinakamahalagang pangyayari sa unang linggo ng paglilitis ang naging posisyon ng depensa at ang pormal na pagtanggap ng kanilang ebidensya sa rekord ng paglilitis.
“Mahalaga ito dahil ang ebidensyang ito ay dumaan na sa direct examination at cross-examination ng panel ng depensa,” ani Ridon.
“Ibig sabihin, hindi na lamang ito mga panayam sa media sa mga naunang pagdinig, at hindi na lamang ito mga pagdinig ng House Committee on Justice. Bahagi na ito ng Senate impeachment trial, naitala na ito bilang ebidensya, at sumailalim na rin ito sa cross-examination ng depensa,” dagdag niya.
Ayon pa kay Ridon, kapwa na ngayon itinuturo ng ebidensya ng prosekusyon at ng mismong argumento ng depensa ang iisang mahalagang usapin—na nagkaroon nga ng umano’y mga pagbabanta—bagama’t magkaiba sila sa usapin kung maaari ba itong bigyang-katwiran.
“Kaya sa dalawang magkahiwalay na punto ng ebidensya—una, ang pagpapakita mismo ng video sa paglilitis; at pangalawa, ang mismong pag-amin ng depensa sa paglilitis na may aktwal na pagbabanta. Sino ang nagbanta? Ang Pangalawang Pangulo. Kanino ang banta? Laban sa Pangulo. Hindi ba? Ang sinasabi lamang nila ay justified ito,” aniya.
Iginiit ni Ridon na ang pagpapasya kung makatwiran o hindi ang umano’y mga banta ay nasa kapasyahan ng Senate impeachment court.
“Kung makatwiran man ito o hindi, hindi ang prosekusyon ang magpapasya, at hindi rin ang depensa. Nasa pagpapahalaga at pagpapasya ito ng Senate Impeachment Court,” aniya.
Sa ikaapat na artikulo ng impeachment, inaakusahan si Duterte ng grave threats at inciting to sedition kaugnay ng kanyang mga pahayag sa isang online press conference noong Nobyembre 23, 2024, kabilang ang sinabi niyang may inatasan siyang pumatay kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Isinagawa ang naturang online press conference matapos ipag-utos ng House of Representatives ang pagpigil sa noo’y chief of staff ni Duterte na si Atty. Zuleika Lopez habang iniimbestigahan ang umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Sa unang linggo ng impeachment trial, iginiit ng abogado ng depensa na si Mark Vinluan na dapat tingnan ang mga pahayag ni Duterte sa konteksto ng pagkakadetine ni Lopez at ng umano’y ‘Oplan Romanov,’ na inilarawan niyang isang sinasabing sabwatan laban sa Pangalawang Pangulo.
Ayon kay Vinluan, ginawa ang mga pahayag sa gitna ng hindi pangkaraniwang sitwasyon kaya hindi dapat suriin nang hiwalay sa konteksto.
Patuloy namang tinututulan ng House prosecution ang argumentong ito at sinasabing wala namang naiharap na anumang ebidensya tungkol sa umano’y ‘Oplan Romanov’ sa harap ng Senate impeachment court.
Iginiit din ng prosekusyon na maging ang matinding emosyon o anumang inaakalang banta laban kay Duterte ay hindi maaaring magsilbing katwiran sa umano’y pagbabanta laban sa Pangulo.

