Calendar
![Kamara](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Kamara-3.jpg)
Proseso ng impeachment ipinaliwanag
KUMPIRMADO ni Senate President Francis Chiz Escudero na magsisimula ang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 28.
Sa panayam sa DZBB’s Saksi sa Dobol B, ipinaliwanag ni Escudero ang mga kailangang proseso bago magsimula ang pormal na paglilitis sa Agosto, kabilang ang mga pagbabago sa impeachment rules ng Senado.
“Well, ire-refer sa Committee on Rules ang impeachment complaint, at ire-refer sa Plenaryo… aaprubahan ang rules, dahil maraming update ang kinakailangang gawin mula nang ginamit ‘yan sa panahon ni Chief Justice Corona,” aniya.
Ayon kay Escudero, kailangang tapusin ng Senado ang bagong impeachment rules bago ang Hunyo 2 upang masimulan ang mga susunod na hakbang.
Kabilang sa mga binabalangkas na pagbabago ang pagpapalakas ng pre-trial briefings, pag-require ng judicial affidavits mula sa mga testigo, at pagbibigay ng awtoridad sa Senate President upang pangasiwaan ang pre-trial proceedings nang hindi kinakailangang idaan sa buong impeachment court.
“Gaya ng sinabi ko, mas malakas na pre-trial brief at pre-trial hearing. Pangatlo ‘yong otorisa sa Senate President o taga-Pangulo ng Senado na gawin ang lahat ng ‘yan ng hindi kinakailangan ng impeachment court ang gumawa dahil pre-trial naman ito,” paliwanag niya.
Dagdag ni Escudero, layunin ng pre-trial phase na bigyan ng pagkakataon ang parehong panig—ang prosekusyon at depensa—na maghain ng kanilang sagot, magsagawa ng mga hearing, at magsumite ng judicial affidavits bago magsimula ang aktwal na paglilitis.
“Opo at tinataya ko dalawa hanggang tatlong buwan tatagal ang paglilitis dahil nga sa mga pagbabago sa mga rules na ia-adopt ng Senado batay sa Rules of Court ‘din naman na iginawad ng Korte Suprema,” dagdag niya.
Ang impeachment complaint laban kay Duterte ay may pitong artikulo, kabilang ang umano’y pakikipagsabwatan upang ipapatay ang mga matataas na opisyal ng gobyerno, maling paggamit ng confidential funds, at panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education.
Ayon sa mga alituntunin ng Senado, ang pagkakasunod-sunod ng pagtalakay sa impeachment articles ay maaaring sumunod sa pagkakaayos ng prosekusyon sa reklamo.
Gayunpaman, sinabi ni Escudero na maaari itong baguhin depende sa kasunduan sa pre-trial.
“Kadalasan, sequential ‘yan kung ano ang unang nilagay ng prosecution, ‘yon ang uunahin, pinaka-huli ‘yong huli nilang nilagay. Subalit, pwedeng pagkasunduan na baguhin ‘yan sa pre-trial,” paliwanag niya.
Pinawi rin ni Escudero ang pangamba na maaaring diktahan ng mga political affiliations ang magiging resulta ng paglilitis, at iginiit na ang impeachment ay hindi lamang isang numbers game kundi isang proseso na nangangailangan ng kumbiksyon mula sa Senado at publiko.
“‘Pag sinabi mong political, hindi naman affiliations lang. ‘Pag sinabi mong political, ‘yong gusto ng nakakarami,” aniya.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maayos na presentasyon ng ebidensya mula sa parehong panig upang mahikayat ang mga senador at ang taumbayan.
“So, ‘pag political kailangang kumbinsihin ang prosekusyon na dapat ma-convict. Kailangan kumbinsihin ang depensa na dapat ma-acquit,” paliwanag niya.
Nagpaalala rin si Escudero sa mga kapwa senador na huwag pangunahan ang kanilang desisyon at iwasan ang paggawa ng maagang pahayag tungkol sa kanilang posibleng boto.
“Kaya nga panay ang paalala ko sa mga kapwa ko senador, mag-hunos-dili magpahayag kaugnay ng maaaring maging boto nila dahil sa ngayon, wala pa naman kami… nakikitang anumang ebidesnya mula sa magkabilang panig,” aniya.
Bagaman isinampa ang impeachment complaint sa ilalim ng 19th Congress, ipinaliwanag ni Escudero na ito ay dadaan sa 20th Congress dahil sa mga panuntunang dapat sundin. Dagdag pa niya, maaaring subukang iatras ng papasok na House of Representatives ang reklamo, ngunit nasa impeachment court na ang pasya kung ito ay ipagpapatuloy o hindi.
“May nagtanong lamang n’on, hindi galing sa akin, ang tingin ko posible ‘yon pero kahit ano mang gawin nila dahil naisampa na, naihain na sa Senado ang magpapasya kung gagawin ng aba ‘yon o hindi ay ang impeachment court na,” sabi niya.
Sa kabila ng patuloy na paghahanda, sinabi ni Escudero na papasok ang Senado sa isang kritikal na yugto sa paghawak ng impeachment case, kung saan kinakailangang balansehin ang legal na proseso, pulitikal na konsiderasyon, at pagsusuri ng publiko.