Toby

Proseso ng pamamahala bibilis sa E-Gov Act

Edd Reyes Jun 14, 2025
20 Views

NANINIWALA si Navotas City Congressman Toby Tiangco na makakatulong ang E-Governance Act upang mapabilis ang proseso sa pamahalaan at makapagbalangkas ng istraktura para sa digital na pamamahala.

Ayon kay Cong. Tiangco, chairman ng Information and Communication Technology (ICT) ng Kamara, kabilang ang naturang batas sa mga nais bigyang prayoridad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na magiging susi upang mapagbuti ang pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayan.

Binigyang diin ng kongresista na ang pagpapasa ng naturang batas ang magpapabilis sa paglilipat ng gobyerno sa pagiging digital at makakapagsulong sa episyenteng pagtugon ng pamahalaan

“Ayaw ng ating Pangulo na mapag-iwanan tayo sa aspetong ito, kaya binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpasa ng batas na ito,” sabi ni Tiangco.

Ang naturang batas ay magtatatag din ng Integrated Government Network (IGN), isang sistema na magkokonekta sa websites ng gobyerno at komprehensibong pamamaraan para sa digital information.

Bukod pa rito, ang E-Governance Act ay magtataguyod din ng transparency at accountability at makakatulong sa pagsugpo ng katiwalian.

Pangungunahan ng Department of Information and Communication Technology (DICT) ang implementasyon ng naturang batas na gagabay sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan para sa pagpapatibay ng isang teknikal na impormasyon at pamantayan na magtitiyak sa tuloy-tuloy na digital integration.

“President Marcos’ marching orders are clear—we must build a Bagong Pilipinas that is globally competitive and empowers Filipinos. Streamlining digital transformation in government is a crucial step toward that goal,” pahayag ni Tiangco.